KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
NAG-SIGN-UP na ang TNT boy na si Kiefer Sanchez sa isang bagong talent development and management company na ang pangalan ay MAK Entertainment Services (MAKES).
Mukhang ang pinakamalaking challenge para sa MAKES ay kung gagawin ba siyang lalaking-lakaking teen idol o androgynous (kumbaga ay “genderless”) teen idol.
Noong makita ng ilang showbiz press people si Kiefer sa face-to-face (o in-person) press conference sa isang outdoor restaurant sa Quezon City, napuna nilang parang pa-androgynous ang pananamit ni Kiefer. At payat na payat pala siya bagama’t alert and energetic naman siya. Kailangan n’yang magdagdag ng timbang at mag-gym under professional supervision dahil 16 years old pa lang siya.
Actually, kailangan pa ring maghintay ang MAKES na mag-settle ang boses ni Kiefer na nasa age of puberty pa. Ito ang panahong nag-a-adjust ang biological system ng tao from childhood to teen years. Kabilang sa biological adjustments na ‘yon ay ang pagpapalit ng boses.
Siyempre pa, ang mga kasamahan ni Kiefer sa TNT Boys na sina Mackie Empuerto at Francis Concepcion ay ganoon din ang sistwasyon ngayon. Nasa age of puberty na rin sila.
Pare-pareho silang tatlo na lumaki at bumaba ang boses. At talagang pagkanta ang hilig nila. Ngayong panahon ng pandemya at may iba’t ibang health protocol sa mga rehiyon at probinsiya, sa halip na maghanap sila ng ibang libangan at mag-develop ng iba pang interes, isa-isa silang nagre-recording sa mga bahay nila, gamit ang minus-1 (taped music) at ina-upload nila sa YouTube at sa iba pang video-sharing platforms ang self-recording nila sa mababa na at malalaking boses nila.
Actually, sa pamamagitan ng mga post nilang ‘yon sila nakatatanggap ng feedback ng pagkagulat ng followers nila sa nagbagong boses nila. Matiyaga naman silang nagpapaliwanag na nasa age of puberty na sila at sana ay tanggapin na muna sila ng fans nila sa kanilang respective transition voice.
Si Kiefer pa lang ang nabalitaan naming miyembro ng TNT Boys na lumipat na ng management company. Pero ayon sa managing partner ng MAKES dito sa Pilipinas na si Michelle Unso, parang may nagma-manage na rin kina Mackie at Francis.
Unique na talent management and development company ang MAKES dahil US-based. Pag-aari ang kompanya ng isang Fil-Am couple na MAK ang apelyido. At dahil mga tubong-Pilipinas sila, gusto nilang makatulong sa mga talentong Pinoy na nasa Amerika at nasa Pilipinas. Si Michelle ang tagapamahala nila sa Pilipinas.
Ang isa pang-Philippine-based talent na kinuha ng MAKES ay si Froilan Canlas na mula rin sa Tawag ng Tanghalan (TNT) ng It’s Showtime ng ABS-CBN. At saka na lang namin ibabalita sa inyo kung paano napunta sa poder ng MAKES si Froilan.