ISANG bilyong pisong cash aid ang ipamamahagi ng gobyerno sa 178,000 tsuper ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa sa nalalabing tatlong buwan ng 2021.
Ayon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) matatanggap ito ng mga tsuper sa ilalim ng binuhay na Pantawid Pasada Program na pangungunahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang ayuda ng pamahalaan sa public transport sector na umaaray sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Anang DBCC, manggagaling ang pondo mula sa ‘unprogrammed appropriations’ sa ilalim ng 2021 national budget na pansuporta sa infrastructure projects at social programs.
Ang pagbibigay ng cash aid ng pamahalaan ang isa sa mga panawagan ng mga transport group upang makatulong sa pagsagupa ng mga tsuper at operator sa walang habas na oil price hike sa gitna ng CoVid-19 pandemic.
Kabilang rin sa hirit nila ang pansamantalang suspensiyon ng fuel excise tax at P2-3 dagdag singil sa pasahe.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nakikinig ang gobyerno sa hinaing ng transport groups at pinag-aaralan ang mga ito.
“Government is heeding and we are evaluating po,” ani Roque sa Palace press briefing kahapon. (ROSE NOVENARIO)