MAPANLITO at mapanlinlang ang isinagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa 52 insidente ng pagkamatay sa isinusulong na drug war ng administrasyong Duterte sa nakalipas na limang taon dahil walang naisampang kaso laban sa mga sangkot na pulis.
Inihayag ito ni National Union of People’s Lawyers (NUPL) member Atty. Kristina Conti kasunod ng pagsasapubliko ng DOJ sa resulta ng imbestigasyon sa mga nasawi sa 52 operasyon kontra droga ng pulisya.
“Itong imbestigasyon ng DOJ ay mapanlito at isa pa, mapanlinlang kasi ikaw, aasa kang may kaso sa korte pagkatapos nitom pero hindi pala, ipapasa pa ito sa NBI for case building,” sabi ni Conti, isa sa mga abogado ng mga napatay sa Duterte drug war.
Ayon sa DOJ, karamihan sa mga napatay ay sa mga buy bust operation dahil ‘nanlaban daw’ sabi ng Philippine National Police (PNP) ngunit pito sa kaso ay nagnegatibo sa paraffin test ang mga drug suspect.
Nangangahuugan na hindi sila nagkasa ng baril habang walang naipakita ang mga pulis na dokumento o anomang report na nagpapatunay na nanlaban nga ang mga napatay.
Nabatid din ng DOJ na hindi sumunod sa protocol ang mga pulis sa halos lahat ng kasong kanilang kinilatis sa ikalawang drug war review.
“We talk about the lack of, for instance, SOCO reports, the lack of any attempt on the part of police officers to determine the probable ownership or possible ownership of the firearms found allegedly in the possession of the subjects of the illegal drug operations, talk about the lack of paraffin tests, ballistics tests,” ani Sugay.
Natuklasan ng DOJ na tadtad ng bala ng baril ang mga napatay sa halos kalahati sa mga kaso, kabilang ang isang suspek sa Cagayan na may 15 tama ng bala.
May mga suspek din binaril nang malapitan.
Karamihan sa mga kaso, hindi pa umaabot sa korte, at ang kadalasang parusa ay suspensiyon sa trabaho ng mga pulis.
Tanging walong kaso lang ang nagresulta sa pagkasibak sa puwesto ng pulis na sangkot.
Hindi pinangalanan ng DOJ ang mga pulis na sangkot dahil sa due process.
Karamihan sa mga nirepasong kaso ng DOJ ay naganap sa Region 4A at Caraga, dalawa sa National Capital Region, wala sa Bulacan kahit may mga inilunsad na one-time big-time operations sa lalawigan.
Para sa human rights group na Karapatan, ang DOJ review, bukod sa kulang na nga ay huli pa at pakitang tao lamang ng administrasyong Duterte sa gitna nang pagbusisi ng International Criminal Court (ICC) at ng United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Kailangan umanong maihayag sa publiko at sa mga pamilya ng biktima ang malinaw na mga kasagutan kaugnay sa “patterns in the killings, who are the perpetrators, what were the bases and how these were affected by Duterte and the PNP’s policies.”
Patuloy sa pagdistansiya ang Malacañang sa mga patayang ibinunga ng Duterte drug war.
“I don’t think it says anything about the culpability of the President because in the 52 cases, there has not been an instance where there has been a determination that the President ordered the killing or that the President did not do anything to punish those who committed criminal acts,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.
(ROSE NOVENARIO)