Thursday , December 26 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

Balik si Gibo

BALARAW
ni Ba Ipe

TAOS-PUSONG pagbati kay Maria Ressa a pagwawagi ng Nobel Peace Prize. Sumasaludo ang pitak na ito sa pandaigdigang karangalan ni Maria Ressa. Hindi matatawaran ang kanyang ambag sa larangan ng pamamahayag sa bansa at ang pagtataguyod ng kapayapaan at katahimikan sa bansa at sa daigdig.

***

NALULUNGKOT ang pitak na ito sa paglisan sa mundo ni Chito Gascon, ang masipag na hepe ng Commission on Human Rights. Dinapuan ng CoVid-19 si Chito at dahil mayroon siyang diabetes, nagkaroon ng komplikasyon na kanyang ikinasawi noong ika-9 ng Oktubre. Sa kanyang iniwang pamilya at mga kasama sa trabaho, nakikiramay kami.

***

MAY napansin kaming mga natatanging programa na marapat itaguyod habang nasa proseso ang bansa sa halalan 2022. Inilatag ni Sonny Trillanes ang kanyang nais kung maibabalik sa Senado: ang reporma sa sektor ng seguridad kung saan kasama ang pagbuwag ng kontrobersiyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at pag-aayos ng suweldo at benepisyo ng mga sundalo at pulis.

Dahil sa patuloy na pagbagsak ng kalidad ng edukasyon ng mga Filipino kung ihahambing sa kinikilalang pandaigdigang pamantayan ng kalidad, nagpasyang bumalik sa politika si Gibo Teodoro na ang pangunahing layunin ay kombinsihin ang susunod na gobyerno na itaas ang kalidad ng ating edukasyon. Halos 12 taon namahinga si Gibo bilang lingkod bayan at ito ang unang pagkakataon na lalaban siya bilang senador.

Senador ng dalawang termino si Trillanes. Unang nahalal kahit nakakulong noong 2007. Umani siya ng mahigit 11 milyong boto upang manalo sa ika-11 puwesto. Hindi siya nagkampanya dahil nasa kulungan siya ngunit ginamit ang Friendster (wala pa ang Facebook) upang makipagtalastasan sa mga kakampi at botante.

Binigyan ng amnestiya ni PNoy at nakalaya at ginampanan ang tungkulin sa Senado. Muling tumakbo noong 2013 at tumanggap siya ng mahigit 14 milyong boto upang muling mahalal bilang pang-siyam. Ginipit ni Rodrigo Duterte, ngunit nabigo na ipakulong siya ng tila nababaliw na lider kasama ang matapat na alalay na si Bong Go at Jose Calida, mga taga-Davao City.

Isinulong ng 1Sambayan bilang pangalawang pangulo ni Leni Robredo, ngunit nagpasyang tumakbo bilang nagbabalik na senador.

Para kay Sonny Trillanes, hindi sagot sa usapin ng insurgency ang paninindigan ng NTF-ELCAC na walang ginawa kundi “red-baiting” at magbintang na komunista sa sino-sinong tao kahit wala silang kinalaman sa kilusang komunista sa bansa. Hindi ang pagbibintang sa kanila ang suliranin, aniya. Kaya marapat na buwagin ang NTF-ELCAC, aniya.

Nais ni Trillanes na bigyan ng panibagong pagsasanay ang mga pulis at sundalo upang muli nilang hagkan ang prinsipyo ng pangingibabaw ng pamunuang sibilyan sa mga naka-uniporme. Nais niyang sanayin muli ang mga pulis dahil nawala na ang kanilang galing sa pagsugpo ng krimen. Marami sa kanila ay bodyguard na lang ng mga politiko, aniya. 

Masaya sana si Gibo bilang isang retiradong lingkod bayan, ngunit bumalik ang hamon at tawag ng paglilingkod nang mabasa niya ang mga ulat na nagsabing labis na naiwan ang mga Filipino kapag inihambing sa mga Hapones, Koreano at Intsik sa larangan ng pagbibilang (matematika), pagbasa at pagsusulat (reading & writing), at agham. Isa sa mga kulelat ang mga Filipino, ayon sa mga pandaigdigang pag-aaral ng PISA, pagdating sa matematika at agham.

Nais ni Gibo na magkaroon ng masusing pag-aaral sa larangan ng edukasyon sa bansa. Kung maaari bumuo ang susunod na pamahalan ng isang panibagong komisyon, o Education Commission 2, na magbibigay ng mga rekomendasyon upang isaayos ang bumagsak na kalidad ng edukasyon sa bansa. May naunang EDCom na binuo ng Kongreso noong panahon ni Cory Aquino. Nais ni Gibo na buuin muli ang komisyon upang iayon ang kalidad ng edukasyon ng bansa sa pamantayan upang makipaglaban ang mga Filipino sa pandaigdigang larangan.

Hindi nakakapagtakang isulong ni Gibo ang pagpapaunlad ng edukasyon dahil alam niya ang pangangailangan ng isang tao sa kaalaman at kasanayan upang magtagumpay sa buhay. Bar topnotcher si Gibo. Nanguna siya noong 1989. Nag-iisang anak siya ni Gilberto Teodoro, Sr., dating administrador ng Social Security System (SSS) at Mercedes Cojuangco, kapatid ng namayapang Danding Cojuangco.

Naiintindihan ni Gibo ang integridad bilang lingkod bayan. Kinilala ang kanyang ama na may integridad noong panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos. Hindi pumayag ang kanyang ama na gamitin ni Imelda Marcos sa karangyaan at luho ang pondo ng SSS. Hindi ito pera ng gobyerno, ayon sa matandang Gilberto. Pera ito ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Ipinagkatiwala lamang sa kanya upang pamahalaan nang maayos.

Tumakbo sa pangulo si Gibo noong 2010, ngunit natalo sa kanyang pinsan na si Noynoy Aquino. Inalok ni Duterte na maging kalihim ng tanggulang bansa noong 2016, ngunit mariing tumanggi. Namalagi si Gibo sa law office ni Estelito Mendoza. Siya ang independent director ng BDO Universal Bank.         

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …