HATAWAN
ni Ed de Leon
DIRETSAHANG nagsalita si Ciara Sotto, bunsong anak nina Senador Tito Sotto at Helen Gamboa na nasaktan siya sa ginawa ng asawa ng pinsan niyang si Sharon Cuneta na si Senador Kiko Pangilinan nang kalabanin ang tatay niya sa vice presidential bid. Sina Ciara at Sharon ang sinasabi ngang siyang pinakamalapit sa magpi-pinsan. Si Sharon ay sinasabi ring malapit sa pamilya Sotto dahil ang turing sa kanya ng tiyahing si Helen ay para na rin nilang tunay na anak. Si Helen ay kapatid ng ermat ni Sharon na si Mommy Elaine.
Masasabi ring malaki ang kinalaman ng mga Sotto sa pagiging artista ni Sharon, dahil si Tito ang unang tumayong manager niya, at naging record producer ng kanyang mga naunang recording sa ilalim ng Vicor.
Pero iyang awayan na iyan ng dalawang pamilyang iyan ay hindi na bago. Matagal din naman silang hindi nagkibuan dahil sa ambisyon ni Kiko noon pang 2010 na maging pangulo ng senado. Kinumbinsi ni Sharon ang kanyang tiyuhin na suportahan ang kanyang asawa sa ambisyon niyon. Hindi ibinigay ni Tito Sen ang kanyang boto sa asawa ni Sharon at natalo iyon sa kanyang ambisyon.
“Isang boto lang naman iyon na hindi makapagpabago ngresulta,” ang sabi ni Helen, na sinagot naman ni Sharon ng, ”that one vote means the world for us.” Iyon sana ang pagkakataon ni Kiko na maging Senate President dahil suportado rin siya ni Presidente Noynoy noon dahil siya ay true blooded dilawan, pero nakapanatiling pangulo ng senado si Juan Ponce Enrile, na sinundan naman ni Franklin Drilon.
Hindi na nagkaroon ng chance si Kiko, dahil noong sumunod na eleksiyon, bumagsak na siya sa minorya.
Nanalo si Koko Pimentel at matapos ang mahigit na isang taon lamang, ang puwesto ay nakuha ni Tito Sen.
Marami ang nagsasabing baka kaya tinanggap naman ni Kiko ang kandidatura bilang vice president na hindi inisip ang banggaan nila ng tiyuhin ng asawa niya ay dahil hindi rin naman sumuporta iyon sa kanya noon.
Ano man ang maging dahilan ng isa’t isa, wala na tayong pakialam doon. Siguro para kay Kiko malaking break na iyan sa eleksiyon, dahil bago niya naging asawa si Sharon, tinalo pa nga siya ng noon ay Congressman Sonny Belmonte nang magkaharap sila sa Quezon City.