FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
MASAMA ang loob ng taong itinuring nitong kaibigan ang taong malapit sa isang politiko na kumakandidato ngayon sa mataas na posisyon dahil ‘seen zone’ lang siya.
Ang kuwento ng taong kaibigan ng taong malapit sa politiko.
“Lagi naman kaming magkatsikahan n’yan as in. Maraming kuwentuhan lalo na ‘pag showbiz tungkol kay ganito o ganyan. Basta super close kami tapos natulungan ko siya before na makalapit sa isang magazine para ma-cover silang pamilya.
“Noong pandemic na siyempre daming naghirap, daming nawalan ng work. So, nabanggit ko ‘yung mga nangangailangan lalo na ‘yung kakilala niyang showbiz press baka puwede niyang tulungan.
“Hayun, seen zone lang ko, ha, ha, ha. Inisip ko baka hindi lang napansin kasi busy, so ibang araw ko ulit minessage, wala talaga seen zone lang.
“Kaya now, alam ko na kaya lang siguro siya malapit sa akin noon kasi may kailangan hahaha, kaloka, ‘di ba?”
Bigla tuloy kaming napaisip na oo nga, wala kaming nabalitaang tinulungang showbiz media ang taong kumakandidado sa mataas na posisyon. Pero lagi niya sinasabi marami siyang tinutulungan at isa ito sa plataporma niya.
Naku, nakikinita ko na, hindi siya makakakuha ng boto mula sa entertainment media.