HATAWAN
ni Ed de Leon
ILANG araw na naming pinag-uusapan ni dating Mayor Bistek (Herbert Bautista) ang kanyang mga plano. Undecided pa siya noon kung tatakbo nga siya para sa isang local position, o bilang senador. Pero ang sabi niya sa amin, bahala na ang partido kung saan siya mas kailangan. Si Mayor Bistek ay kasapi ng Nationalist People’s Coalition noon pa, at hindi naman siya lumipat ng partido, hanggang noong Miyerkoles nga, nagharap na siya ng COC bilang isang senador.
Noong nakaraang eleksiyon pa inaasahan ang kanyang pagtakbo bilang senador, dahil ubos na nga ang kanyang term bilang mayor ng Quezon City. Pero matinik din ang advisers ni Bistek, dahil kung sumama siya sa grupong kumukuha sa kanya noon, aba baka nakasama siya roon sa walong sabay-sabay na nahulog. Naghintay siya ng tatlong taon lang, at ngayon masasabi ngang mayroon siyang better standing.
Iyang si Bistek, high school pa lang nang makilala namin. KB Chairman pa lang siya noon. Pero noon pa man nakita na namin ang ambisyon niya sa public service. Bilang KB federation president, nanungkulan na siya bilang konsehal ng lunsod. Naging konsehal ulit, naging vice mayor, hanggang maging mayor ng Quezon City.
Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan, naiwan niya ang pagiging artista, at inaamin naman niya na mas malaki ang kinikita niya bilang artista kaysa noong mayor siya. Aba eh talaga namang mas malaki ang bayad sa mga artista kaysa mayor. Iyong sikat na artista talaga, aba eh mas malaki ang bayad kaysa presidente pa ng Pilipinas. Pero happy siya eh. Iyang si Bistek happy iyan na nakikipag-usap sa mga tao, nakatutulong siya kahit paano. Natatandaan pa nga namin may kuwento pang may matandang suki iyan na nagtitinda ng bubble gum. Kukuha siya ng isa bibigyan niya ng P100 iyong matanda. Naaawa kasi siya pero natutuwa na iyong matanda ay naghahanapbuhay at hindi gaya niyong iba na uupo sa isang sulok at mamamalimos na lang. Happy siya sa ganoong buhay eh.
May kuwento pa iyan eh. Nagkaroon siya ng traffic violation, hinuli siya ng enforcer, na siyempre hindi nakakibo nang makitang iyong mayor pala ang hinuli niya. Nagpa-ticket si Bistek at nagbayad ng multa, kasi ang paniwala niya kahit mayor ka kung gumawa ka ng mali, magmulta ka. Ayaw naming mag-endoso ng politiko, pero ang paniwala namin magaling na public official si Bistek.