SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NOONG Linggo, Oktubre 3 ay naghain ng Certificate of Candidacy si Jinggoy Estrada para muling tumakbo bilang senador sa 2022 election. Kakandidato siya sa ilalim ng partido ng Pwersa ng Masang Pilipino.
Si Jinggoy ang panganay na anak ni dating Mayor/President Joseph Estrada. Tulad ni Erap, nagsimulang makilala si Jinggoy bilang actor at pagkaraan ay pinasok na rin ang politika. Sa edad 25, nahalal siya bilang bise alkalde ng San Juan at pagkaraan ay naging alkalde ng San Juan sa edad 29.
Taong 2004 ay nahalal siya bilang senador at hinawakan ang posisyon ng Senate President Pro Tempore.
Ani Jinggoy noong nag-file ng COC, “Ako po ay nag-file ng certificate of candidacy bilang senador ng ating bansa at alam n’yo naman, dalawang termino po ako nanilbihan bilang senador at sa 12 taon ko na pamamalagi sa Senado ay nabansagan naman po tayo na isa sa mga pinakamasipag.
“’Ika nga of the most prolific senators noong panahon ko, sapagkat tayo po ay nakapag-akda ng mga batas na kulang-kulang na 600.
“At halos lahat naman sa naiakda natin na bills ay naisabatas na at karamihan sa mga panukalang batas ko ay pinakikinabangan ng ating mga kababayang mahihirap, manggagawa, lalo na ang masang Pilipino.”
At sa muling pagtakbo ni Jinggoy bilang senador, iginiit niyang, “Nais kong makibahagi sa malinis na halalan para maging senador muli.”
Sinabi niyang, aaksiyon siya para sa masa at handa siyang makatulong sa pagtugon sa mga pangunahing sakit at hamon na kinakaharap ng bansa sa ilalim ng new normal.
Aniya pa, gusto niyang mag-akda o maging kapwa-akda ng mga batas na mas lalo pang magpapalakas sa mga local na pamahalaan sa mga lugar sa labas ng National Capital Region o NCR.