Saturday , December 21 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

Isyu sa 2022

BALARAW
ni Ba Ipe

DALAWANG usapin ang patuloy na mangingibabaw sa halalang pampanguluhan sa 2022. Una, ang malawakang korupsiyon na pipilitin ni Rodrigo Duterte at mga kasama na sagutin ang mga batikos ng kanilang ‘pagsasamantala’ sa kaban ng bayan.

Pangalawa, ang pormal na pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa sakdal na crimes against humanity na iniharap noong 2017 nina Sonny Trillanes at Gary Alejano laban kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat. Inaasahan na sisipa ang imbestigasyon ng ICC sa susunod na ilang linggo at hindi ito basta mapipigilan ni Duterte.

Hindi mawawala sa talakayan sa kampanya ang kakulangan ng administrasyon ni Duterte ng kakayahan na harapin ang pandemya na bumalot sa nakaraang dalawang taon. Kasama sa talakayan ang kawalan ng mukha at pagnanasang politikal (political will) na harapin ang China na kinamkam ang teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea.

***

Papainit ngayon ang nakasusukang usapin ng mga ilang pamilya politikal, o dinastiya kung saan patuloy na nangingibabaw sa politika ng bansa. May patutsada sa susunod na Senado sa 2022 dahil ilang pamilya ang may pag-asa na mahalal sa 2022.

Tatakbong senador si Jojo Binay at dahil masalapi, maaaring palarin upang makasama ang anak na si Nancy – isang pares sila ng mag-ama. Lalaban si Mark Villar at makakasama ang ina na si Cynthia. Sabay na papalaot ang magkapatid na Jinggoy Estrada at JV Ejercito upang muling magsama ang magkapatid – kung susuwertehin. May indikasyon na tatakbo si Alan Peter Cayetano sa Senado at, kung papalarin, makakasama ang kapatid na si Pia.

Nakakasuka ang Senado na may isang pares ng mag-ama, isang pares ng mag-ina, at dalawang pares ng magkapatid. Wala ba silang alam na ibang trabaho kundi ang mundo ng politika?

***

Sukol si Duterte sa eskandalo ng Pharmally na ilang bilyong piso ang ‘nawala’ mula sa kaban ng bayan dahil sa pagsasamantala ng grupong Intsik at gobyerno ni Duterte. Hindi basta matatapos ang isyu na ganoon kadali, ngunit malaking bahagi ng bansa ang naniniwala na palabas lamang ito upang mapagtakpan ang ibang kapalpakan ni Duterte.

Marami ang walang tiwala kay Dick Gordon dahil hindi siya oposisyon sa kanyang political career maliban sa nakalipas na ilang linggo. May impresyon na matatakpan ni Duterte ang problema dahil sa umano’y laki ng nakurakot nila sa maanomalyang transaksyon.

Lulutang ang maraming pangalan sa pag-iinit ng pagsisiyasat ng ICC sa madugo pero bigong gera kontra droga na aabot sa 30,000 katao ang pinaslang dahil pinaghinalaang adik o tulak ng ilegal na droga. Hindi mabibili ni Duterte  ang ICC kaya asahan na magmumukha silang mga bowling pin kapag tinamaan ng rumaragang bola ng pagsisiyasat.

Dahil hindi ito mapipigil n Duterte, mahuhubaran ang mga opisyal na pulis at vigilante group na sangkot sa malawakang patayan sa kampanya sa droga. Lulutang ang kanilang pangalan at hindi kami magtaka kung diyan mag-umpisa ang gantihan.

***

Hindi nakatutuwa si Leni Robredo sa urong-sulong na uri ng politika. Hindi makapagdesisyon kung ano at saan ang kanyang direksiyon. Hindi malaman kung tatakbo o hindi. Marami ang nawalan ng gana sa kawalan ng karampatang kilya sa politika. Hindi balanse ang takbo ng utak. Nagkaroon ng hindi maintindihang saltik.

Kung mapapansin, sagad-sagaran ang pagtutulak ng ilang lapian, grupo, at mga tagahanga. Hindi malaman kung alin ang totoong suporta para umangat at suporta na tulak pala sa bangin. Mukhang naririndi si Leni sa tindi ng paghingi na sumabak sa halalan.

Bantulot si Leni na sumabak. Ayaw niyang sumabak dahil wala siyang panustos sa malupit na kampanya. Maingay ang hukbo ng kanyang nabubulagang tagahanga na nagmukhang isang kultong mga panatiko. Sa kasaysayan ng politika, hindi nananalo ang isang kandidato dahil sa ingay ng kanyang panatikong tagahanga.

Bukod diyan, alam ni Leni na hindi siya lubos na matutulungan ng 1Sambayan, ang koalisyon ng maka-demokratikong puwersa. Hanggang nominasyon ang 1Sambayan. Hindi ito makinarya. Wala itong panustos sa kampanya. Kaya hindi mainit si Leni sa nominasyon.

Kapag hindi sumabak sa panguluhan si Leni at tuluyang umurong, isusumpa siya ng mga panatikong tagahanga. Iyan ang kanyang kinatatakutan – ang political backlash. Hindi pinapansin ng mga katunggali si Leni dahil mababa siya sa mga survey. Kahit kinakatawan niya ang puwersa ng demokrasya, hindi naitanim sa kanyang isip ang pilosopiya ng demokrasya.

Maganda ang kanyang performance sa ilang piling proyektong bayan, ngunit mahina ang gagap niya sa demokrasya bilang pilosopiya ng kapangyarihan. Ito ang kanyang kahinaan.

Bukod diyan, hindi siya mandirigma. Digmaan ang politika at hindi ito santakrusan kung saan sasagala si Leni Robredo.

About Ba Ipe

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …