SINAMPAHAN ng patong-patong na kaso sa Office of the Ombudsman nitong Biyernes, 24 Setyembre si P/Lt. Col. Ritchie Claravall at ang kanyang limang tauhan sa Quezon City Police District Masambong Station (QCPD-PS 2) dahil sa pagbalewala sa umiiral na kautusan ng korte sa patuloy na operasyon ng Peryahan ng Bayan ng Globaltech Mobile Online Corporation.
Batay sa mga reklamong kriminal at administratibo na inihain sa Ombudsman ni Cindy Labtang, Field Operations Officer ng Globaltech, direktang nilabag ni Claravall, station commander ng QCPD PS 2 at mga tauhan nito ang Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act Section, 3A at E; Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Section 4 A at C; at Republic Act 6770 na may kaugnayan sa Ombudsman Act, Section 19 (1, 2, 4 at 6) at Administrative Order 7, Rule 3 (Section A, B, C, D, F at H).
Sa reklamo, binigyang diin ng Globaltech ang direktang paglabag ni Claravall at mga tauhan nito sa karapatan ng kompanyang ipagpatuloy ang operasyon nito na ginagarantiyahan ng status quo ante order na iniutos ni Presiding Judge Nicanor A. Manalo, Jr., ng Pasig Regional Trial Court Branch 161 noong 17 Mayo 2016.
Batay sa rekord, ang naturang kautusan ay kinatigan din ng Court of Appeals nang utusan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ipagpatuloy ang pagpapadala ng opisyal na kinatawan para sa PNB draw ng Globaltech.
Matatandaan, batay sa CA – G.R. SP No. 151727 at CA – G.R. SP No. 154056 noong 14 Enero 2019, nabigo ang petition for certiorari na inihain ng PCSO upang kanselahin ang operasyon ng Globaltech at unanimous na kinatigan ng Court of Appeals ang inilabas na status quo ante order ng Pasig RTC.
Hindi umano kinilala ni Claravall ang utos ng korte sa ginawa nitong pag-aresto at pagpapakulong noong 3 Agosto 2021 at pagsasampa ng kasong illegal gambling sa pitong tauhan ng Globaltech batay na rin sa affidavit of arrest at referral letter na isinumite sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Samantala, kabilang sa mga sinampahan ng mga kaso sina P/Cpl. Wilford Cipriano, P/Cpl. Richard Valdez, P/SSgt. Christian Pasta, P/MSgt. Robinson Padilla, at P/MSgt. Alex Atchecoso.