MAKATI CITY, METRO MANILA — Pinuri ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at concurrent Metro Manila Council (MMC) chairman Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr., ang mga establisimiyento sa lungsod ng Makati sa pagsunod sa safety protocols na ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) para makapagbigay ng proteksiyon sa kanilang mga kostumer sa gitna ng CoVid-19 pandemic.
Nagsagawa ang MMDA kasama ang mga kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng bagong pagmamasid sa ilang mga establisimiyento sa lungsod, partikular sa Rockwell Center, para alamin ang pagsunod sa guidelines ng IATF sa ilalim ng ipinaiiral na Alert Level 4 status sa National Capital Region (NCR).
Sinamahan si Abalos ni Trade Secretary Ramon Lopez at Makati city mayor Mar-len Abigail ‘Abby’ Binay-Campos sa pag-inspeksyon ng mga al fresco dine-in services sa Rockwell.
“I would like to congratulate Makati and Rockwell President Nestor Padilla as they are trying their best to comply with the safety protocols to protect their customers amid the pandemic,” wika ng dating alkalde ng Mandaluyong City.
Ayon kay Binay, binanggit nito na handa ang Rockwell na tumanggap ng 30 porsiyento ng kanilang mga kostumer.
“We also conduct random checks for those establishments who have failed to comply with the IATF guidelines. In this city, we mean business,” pahayag ng alkalde.
Sa ilalim ng Alert Level 4, outdoor o al fresco dine-in services sa mga restawran ay pinapayagan ang 30 porsiyentong kapasidad.
Makaraang umikot sa Rockwell Center, nagpunta rin sina Abalos at Lopez para inspeksiyonin ang Anytime Fitness gym sa South Park Plaza sa Magallanes at doo’y sinalubong sila ng co-founder ng gym na si Miguel Gutierrez.
Hiniling ni Gutierrez sa pamahalaan at IATF na payagan silang mag-operate sa 10 porsiyentong kapasidad tulad ng mga restawran at personal care services.
Tumugon naman si Lopez na bukas ang gobyerno sa kanyang kahilingan sa dahilang naniniwala siya umano na ang mga gym at fitness center ay makatutulong para sa kalusugan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng ehersisyo bilang pampalakas ng pangangatawan ng bawat Filipino.
“We will study this carefully so that the health and well-being of our kababayans will be protected thru all forms of exercise. The gyms must ensure safe distancing and install air purifiers for additional ventilation,” pagtatatpos ng kalihim. (TRACY CABRERA)