NANAWAGAN si dating Sen. Antonio Trillanes IV sa Senado na imbestigahan din ang mga kontratang pinasok ng administrasyong Duterte sa pagbili ng bakuna.
Kombinsido si Trillanes na hindi lamang sa pagbili ng medical supplies kumita nang malaki ang ilang opisyal ng pamahalaan kundi nagkaroon din ng kickback sa bakuna.
Kapag inilarga aniya ang imbestigasyon sa pagbili ng bakuna ay makikita na walang puso si Pangulong Duterte at hindi nag-aatubiling pagkakitaan ang pandemya.
“Hindi pa nila naimbestigahan itong sa vaccine. Kung magkano ang kuha nila riyan. Malaki ang ipinatong nitong Duterte admin dito sa mga kinuhang vaccine sa China, itong Sinovac. Kaya sana ay makalkal din nila iyan, kasi dito makikita kung gaano kawalang puso sina Duterte. Grabe itong pandemya na ito pero sila hindi maghe-hesitate na pagkakitaan ito,” sabi ni Trillanes sa panayam sa DZMM Tekeradyo kahapon.
Matatandaang inamin ng administrasyong Duterte na may nilagdaan itong non-disclosure agreement sa mga kompanya ng bakuna.
Hinimok ni Trillanes ang publiko na magalit sa nalalantad na korupsiyon sa administrasyon Duterte upang matuldukan na ang nakawan sa gobyerno.
“Sana’y magalit naman ang mga Filipino, kasi kapag hindi kayo magagalit, iisahan at iisahan kayo, nanakawan at nanakawan kayo nitong mga ito,” ani Trillanes.
Bagama’t huli na aniya ang pagkontra ng ilang senador sa katiwalian sa administrasyong Duterte, ipinagpasalamat na rin ito ng dating senador.
Sa pinakahuling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa kuwestiyonableng P8.7 bilyong medical supplies contract ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, nabunyag na namili ng luxury vehicles ang mga opisyal ng kompanya matapos bayaran ng gobyerno.
Isiniwalat din na kahit hindi pa nabibigyan ng presyo, walang notice of award, walang request for quotation at purchase order ay nag-deliver ang Pharmally ng dalawang milyong pirasong face masks sa Procurement Service-Department of Budget and Management.
Tinawag na pipitsuging politiko o cheap politician ni Sen. Dick Gordon si Pangulong Duterte dahil sa pagtatanggol sa mga opisyal ng PS-DBM at sa kontrata ng Pharmally at maging sa dati niyang economic adviser na si Michael Yang na financier ng kompanya.
Ipagpapatuloy bukas ng Senado ang pagsisiyasat sa isyu.
(ROSE NOVENARIO)