HATAWAN
ni Ed de Leon
MAGALING na singer si Marion Aunor at natural iyon dahil likas na yata sa kanilang pamilya iyong magagaling kumanta. Kung sabihin man na ang talagang sumikat diyan ay ang tiyahin niyang si Nora Aunor, huwag ninyong kalimutan na ang nag-coach sa kanya noong sumali siya sa Tawag ng Tanghalan ay si Sgt. Saturnino Aunor, tatay ni Lala at lolo ni Marion. Kaya nga dahil doon, ginamit na rin ni Nora ang apelyido nilang Aunor.
Nakagawa na rin naman ng ilang album si Marion, pero ang record company niya niyon ay sa ABS-CBN, at natural hindi sinuportahan ng ibang networks. Kaya noon pa pangarap na niyang magkaroon ng sariling kompanya na magpo-produce ng kanyang plaka.
Ngayon naitayo na nga niya ang Wild Dream Records at natapos na rin niya ang isang album na ang carrier single, iyong Kama na siya ang nag-compose, kumanta, at nag-produce. Maganda ang kanta at ginawa nga nila in collaboration sa Viva Records kaya tiyak na maganda ang distribution. Maganda naman ang resulta sa unang araw pa lamang ng release, at sinasabi nga nila, maaari iyong maging gold sa loob ng isang buwan lamang kung hindi magbabago ang trend sa sales.
Magaling namang kumanta talaga si Marion, at naniniwala rin kami na ang mga singer na ganyan ang dapat na binibigyan ng push kaysa mga laos na na nagpipilit pa.