BALARAW
ni Ba Ipe
HINDI namin alam kung naiintindihan ni Bise Presidente Leni Robredo ang implikasyon ng kanyang pahayag noong Lunes na susuportahan niya ang tambalan ni Isko Moreno at Mane Pacquiao sa halalan sa 2022.
Hindi namin alam kung paraan niya ito upang hawiin ang daan sa pag-amin na hindi siya tatakbo bilang pangulo sa halalan sa 2022.
Kamakailan, binanggit namin na walang malinaw na palatandaan kung tatakbo si Madame Leni sa panguluhan 2022. Sa aming tantiya, ang posisyon ng gobernadora ng Camarines Sur ang kanyang inaasinta.
Kumbinsido kami na wala siyang balak sumabak sa panguluhan dahil bukod sa wala siyang salapi, hindi naihanda nang maayos ang kanyang lapian – Liberal Party – upang sumabak sa 2022.
Matindi ang ingay sa social media at kung pagbabatayan ang ingay lamang, sasabak si Madame Leni at mananalo. Ito ang paniwala ng maraming panatikong maka-Leni sa socmed. Pero hindi ganito kasimple. Bilyon-bilyong piso ang ninakaw mula sa kaban ng bayan ng kanyang maaaring maging katunggali. Wala siyang pantapat sa mga kalaban.
Kung sakaling umurong si Madame Leni sa labanan at suportahan si Isko na pinaniniwalaang suportado ng ilang malalaking mangangalakal, nakikita namin ang matinding pagkadesmaya kahit ng kanyang mga panatikong tagasuporta. Hindi kami magtataka kung sumakabilang bakod sila at suportahan ang ibang kandidato ng oposisyon. Hindi malayo na si Sonny Trillanes ang kanilang suportahan.
Nakikita namin ang malaking pagbabago sa hanay ng 1Sambayan. Kung hinintay nila si Madame Lani na magdesisyong tumakbo, biglang kakambiyo ang 1Sambayan upang ilipat ang kanilang suporta sa ibang kandidato. Hindi ako magtataka kung maging opisyal na kandidato si Sonny Trillanes. Hindi katanggap-tanggap ang mga pekeng oposisyonista na tulad ni Isko at Ping ang manguna sa laban.
*****
KAHIT matindi ang balitaktakan dito tungkol sa bisa ng pagtiwalag ng Filipinas sa International Criminal Court (ICC), patuloy na sumusulong ang sakdal na crimes against humanity na isinampa nina Sonny Trillanes at Gary Alejano sa ICC laban kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat – Dick Gordon, Alan Peter Cayetano, Bato dela Rosa, Vitaliano Aguirre, Leopoldo Albayalde, at iba pa.
Iniutos ni Duterte ang pagtiwalag ng Filipinas a ICC noong 2019, ngunit hindi nangangahulugan na awtomatikong hindi na kasapi sa ICC. Kinuwestiyon ng ilang mambabatas sa Korte Suprema ang pagtiwalag sa ICC dahil walang poder si Duterte na gawin mag-isa ang ganoong aksiyon.
Ayon sa mga nagpetisyon, balewala ang ginawa ni Duterte sapagkat itinatadhana ng Saligang Batas na ang poder ng pagtiwalag ay sa Senado at hindi sa presidente.
Dahil ang Senado ang may kapangyarihang magratipika ng mga tratado at kasunduan sa ibang bansa, ang Senado ang may kapangyarihang bumawi.
Sa ponente ni Mahistrado Marvic Leonen na sinang-ayunan ng karamihan ng mga mahistrado, sinabi ng Korte Suprema na kahit may isinumiteng instrument of withdrawal sa ICC ang Ehekutibo, hindi ito nangangahulugan na makaiiwas ang gobyerno ni Duterte sa aksiyon ng ICC. Marapat na tumulong ang buong gobyerno sa ICC, ayon sa desisyon.
Kahit tumiwalag ang Filipinas mula sa pananaw ni Duterte, patuloy ang ICC sa proseso ng sakdal na iniharap nina Trillanes at Alejano. Noong 14 Hunyo 2021, inirekomenda sa kanyang Final Report ni Fatou Bensouda ang nagretirong punong taga-usig ng ICC, ang pormal na imbestigasyon ng ICC sa maramihang pagpatay kaugnay sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga. Nasa Pre-Trial Chamber ng ICC ang sakdal at maaaring lumabas ang utos na umpisahan ang pormal na pagsisiyasat ngayong buwan o sa Oktubre.
*****
QUOTE UNQUOTE: “Hindi tatakbo si Madame Leni. Ang pinili na suportahan – patapon at pipitsugin. Pro-Marcos, pro-Duterte, at pro-Dolemite Beach…” – PL, netizen
“Hindi ba ninyo napansin? Mabilis ang food delivery service ng fast food joints, pizza parlors, at restos? They’ve adjusted.” – George Sta. Ana, netizen
“Apat ang isyu sa halalan sa 2022: malawakang korupsiyon na aabot sa P1 trilyon ang nawawala sa kaban ng bayan; malawakang patayan kaugnay sa madugo pero bigong gera kontra droga; ang pagtataksil sa bayan sa pamamagitan ng pagbigay ng teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea; at ang kabiguang masugpo ang pandemya.” – Bobot Fradejas, netizen
“Totoo ba iyong policy ng mga ospital: No down payment, no life support facilities sa mga pasyente ng Covid-19?” – Richard Laguyo, netizen
“PH is paying $38 per dose of Sinovac. Brazil paid $90 million for 46 million doses of Sinovac. This comes out to only $1.95 per dose. $38 against $1.95 is really earth shaking!” – Demaree JB Raval, netizen
“In her Final Report on the Philippines, Fatou Bensouda, the retired chief prosecutor of the ICC, mentioned Bato dela Rosa and Vitaliano Aguirre as the guys, who implemented the bloody but failed anti-drug war of Rodrigo Duterte that led to the death of between 16,000 – 30,000 people between 2016-2019. Bensouda has recommended formal investigation to the charges of crimes against humanity, which Sonny Trillanes and Gary Alejano have filed against Duterte and his conspirators that included Dick Gordon, who as Philippine Red Cross chair should have not abetted the killings because the Red Cross mission is to save lives in times of crises and calamities, Alan Peter Cayetano, Leopoldo Albayalde, among others.” – PL, netizen