IPINAGPALIBAN ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang nakatakdang implementasyon ngayon ng general community quarantine (GCQ) with alert levels sa Metro Manila.
Inianunsiyo kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na mananatili sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila hanggang 15 Setyembre o hanggang kasado na ang pilot GCQ with alert level system para ipatupad.
Alinsunod sa MECQ, ani Roque, mananatiling sarado ang indoor at outdoor o al fresco dining gayondin ang personal care services gaya ng beauty salons, beauty parlors, at mga nail spa sa Metro Manila nang isang linggo pa.
Pinahihintulutan ang virtual religious activity at pagdalo ng immediate family members sa necrological services, wakes, inurnment and funerals ng kamag-anak na hindi nasawi dahil sa CoVid-19.
“However, they need to show satisfactory proof of their relationship with the deceased and have to comply with the minimum public health standards,” dagdag ni Roque.
Nauna rito’y inalmahan ng healthcare workers ang pahayag ng Palasyo na ipatutupad ang GCQ sa National Capital Region (NCR) mula 8-30 Setyembre sa panahong tumataas ang bilang ng kaso ng CoVid-19 , puno ang mga ospital at pagod na pagod at demoralisado ang kanilang hanay sa pagkakait ng gobyerno sa kanilang mga benepisyo.
Kasabay ng GCQ ang implementasyon ng granular lockdown sa mga lugar na may mataas na kaso ng CoVid-19 ngunit ang authorized persons outside their residence (APOR) ay hindi papayagang maglabas-pasok sa kanilang bahay.
Kinuwestiyon ito ng iba’t ibang sektor dahil sa posibilidad na mawalan ng hanapbuhay ang mga manggagawa kapag hindi nakapasok sa mga trabaho. (ROSE NOVENARIO)