PINUNA ng Department of Health (DOH) ang alkalde ng bayan ng Obando, sa lalawigan ng Bulacan na sinasabing lumabag sa CoVid-19 protocols sa ginanap na pagtitipon kasama ang mga residente sa kanyang kaarawan kamakailan.
Depensa ni Obando Mayor Edwin Santos, sinorpresa lamang siya ng kanyang barangay officials at ilang mga kaibigan na nagdala ng pagkain sa kanyang tahanan.
Ayon kay DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, dapat inabisohan ng alkalde ang kanyang mga kaibigan na ipagpaliban ang pagtitipon dahil sa umiiral na pandemya.
“Based on our protocols they have violated whatever restrictions we’re imposing right now. Kahit hindi po niya kasalanan, kahit ‘di po niya sinasadya, sinasabi na pumunta lang ang mga tao, sana nabigyan natin ng advise ang ating mga kababayan na umuwi na lang sila at saka na lang sila magse-celebrate,” dagdag ni Vergeire.
Patuloy ng tagapagsalita ng DOH, ang mga ganitong pagtitipon ay magiging sanhi ng pagtaas ng transmission ng virus sa kanilang lokalidad kaya nasa desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magparusa sa mga opisyal ng LGU na lumalabag sa health protocols.
Matatandaang ilang matataas na opisyal sa gobyerno ang binatikos na rin sa pagsasagawa ng social gatherings sa panahon ng pandemya, kabilang sina Presidential spokesperson Harry Roque at dating Philippine National Police chief Debold Sinas. (MICKA BAUTISTA)