SA PAMUMUNO ni Gob. Daniel Fernando, nakiisa ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa ika-171 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa kanyang bantayog sa bayan ng Bulakan, nitong Lunes, 30 Agosto.
Kinikilala si Del Pilar na Panlalawigang Bayani ng Bulacan at Ama ng Pamamahayag ng Filipinas, Ama ng Masoneriyang Filipino, at tinawag siyang Dakilang Propagandista.
Kinilala rin siya bilang isang manunulat, makata, peryodista, repormista, makabayan at abogado sa pangalang ‘Plaridel’ at naging patnugot ng La Solidaridad.
Sa pag-alala sa kapanganakan ni Del Pilar, idineklara ang 30 Agosto bilang National Heroes Day sa bansa na ipinagdiriwang din ng lalawigan ng Bulacan taon-taon.
Ayon kay Gob. Fernando, laging isapuso at isaisip na ang petsang ito ng bawat taon ay makasaysayang araw para sa lahi ng mga Bulakenyo sapagkat sa lupain ng Bulacan isinilang ang isang rebolusyonaryong pluma at papel ang naging sandata, isa sa naging daan tungo sa kalayaan ng ating bayan.
Aniya, “nararapat din kilalanin ang mga bayani ng kasalukuyang panahon — mga mga CoVid-19 frontliners and essential workers: mga doktor, nars at eksperto sa larangan ng medisina, mga mangingisda, magsasaka at manggagawa ng pagkain, mga guro na nagtuturo ngayong online at modyular, mga driver na namamasada, at iba pang hindi alintana ang panganib ng pandemya para lamang mag-alay ng serbisyo sa ating bayan.”
Dagdag ng gobernador, “Nawa’y patuloy nating isabuhay ang mga aral na iniwan ni Del Pilar at tunay na sa ating dugo ay nananalaytay na ang Bulakenyo ay dangal ng lahing Filipino.” (MICKA BAUTISTA)