LOVELAND, COLORADO — Sinampahan ng kaso ng mag-asawa ang isang pulis na namaril sa kanilang tuta na kinailangang ‘patulugin’ kalaunan makaraan ang enkuwentro nang magresponde ang mga awtoridad sa sumbong ng kanilang kapitbahay.
Noong Hunyo 2019, dumating si Loveland police officer Matthew Grashorn sa bakanteng car park, na kinnaroroonan ni Wendy Love at ng kanyang mister habang pinapatakbo ang kanilang tatlong aso at pinaiinom ng tubig sa nasabing lugar.
Nagresponde si Grashorn sa tawag ng may-ari ng kalapit na gusali na nakakita sa mag-asawa sa kanyang security camera at hiniling sa pulisya na alamin kung ano ang ginagawa ni Love at ng kanyang asawa.
Nakita sa insidenteng nakunan ng body camera footage na dumating ang pulis at –hindi man lang ipinaalam ang kanyang presensiya – bumunot ng baril nang mabangga siya ng isa sa mga alagang aso ng mag-asawang Love.
Sinabihan ni Grashorn na suhetohin ng mag-asawa ang kanilang alaga, na ginawa naman ng dalawa, at sumunod din naman ang aso.
Dito na lumundag mula sa nakaparadang truck ang isa pang aso ng mga Love, isang edad 14-buwan na Staffordshire terrier-boxer cross, na may pangalang Herkimer, saka sumugod sa pulis.
Bago pa makakilos ang mag-asawa, pinaputukan ng dalawang beses ni Grashorn ang sumusugod na aso.
Sa video footage, agad bumagsak ang aso sa baldosa at nakatindig na nagimbal sa pangyayari si Mrs. Love makaraan makitang nabaril ang kanyang alaga.
“Why did you do that?” makikitang tanong ng ginang sa video.
“I don’t know, because he’s coming after me like he’s going to bite me,” tugon naman ni Grashorn.
Sa puntong iyon ay nagmakaawa ang mag-asawa na dadalhin nila si Herkimer sa isang beterinaryo para malunasan ang mga sugat ng tuta ngunit tumanggi ang pulis na payagan sila hangga’t hindi pa dumarating ang kanyang supervisor.
Walong minuto bago dumating ang supervisor ni Grashorn, buhay pa ang tuta nang dumating sa eksena.
Nang madala sa beyerinaryo, sinabing sumugod sa pulis ang aso kaya nabaril ito.
Makalipas ang apat na araw, kinailangang i-euthanised o ‘patulugin’ ang aso habang kinasuhan ang mag-asawang Love sa pagmanay-ari sa isang dangerous dog, ngunit inalis din ang pahayag na ito sa testimonyang inilabas ng attorney’s office.
Lumabas sa pagsusuri ng Internal Affairs ng Loveland Police Department, hindi nararapat ang naging aksiyon ni Grashorn.
Hindi naharap ang pulis sa kahit anong disciplinary action para sa pamamaril sa tuta at hindi rin tumugon sa kasong isinampa laban sa kanya.
Sa ngayon, masusing pinag-aaralan ng konseho ng lungsod ng Loveland ang reklamo ng mag-asawang Love. (TRACY CABRERA)