HATAWAN
ni Ed de Leon
ISA lang ang masasabi namin doon sa nagbabanta kay Janus del Prado ng, ”malapit ka nang ma-tokhang.” Bobo iyan. Walang utak iyan. Hindi niya tinatakot ang kalaban niya, sa halip pinasasama niya ang imahe ng gobyerno dahil bakit mo babantaang matotokhang si Janus?
Iyang tokhang ay salitang Bisaya na pinagdugtong, “katok” at “hangyo.” Na ang ibig sabihin ay kakatokin at pakikusapan. Iyan ang ginawa ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa noong pulis pa siya. Hindi ang ibig sabihin ng tokhang ay extra judicial killing o salvage, dahil kung ganoon nga ang banta ninyo, parang sinasabi na rin ninyong totoo na maraming ipina-salvage si Presidente Digong kagaya ng sinasabi ng kanyang mga kalaban sa International Criminal Court.
Nagbibigay din iyan ng isang masamang mensahe sa militar, dahil ang kanyang kinakampihan ay si Gerald Anderson na isang reservist ng Armed Forces. Gusto ba niyang palabasin na dahil doon ay madali ngang maipatokhang si Janus na kinakalaban si Gerald?
Isa pa, iyang tokhang ay ginamit nila sa mga kaso lang ng droga, bagama’t may mga napatunayang natokhang sa bintang lang o naangasan lang, kaya naman may mga pulis na nadadale rin eh, guilty.
Pero hindi nangangahulugan iyon na madali lang na matokhang ang isang tao.
Dapat iyang mga nagpo-post talaga sa social media, ginagamit naman ang kanilang utak. Pero iyon nga ang problema, hindi kailangan ang utak para makatipa sa computer at pindutin iyong ”enter.” Kaya nga maraming lumalabas na posts na alam mong hindi pinag-isipan at hindi ginamitan ng utak.
Iyan din namang usapan tungkol kina Bea at Gerald, dapat matigil na. Isang taong mahigit na issue iyang “ghosting” na iyan. Palagay naman namin nagdusa na rin sila, bumaba nang todo ang popularidad nina Gerald at Julia Barretto na hindi mo alam kung makaka-ahon nga sa serye niya sa TV5, pero palagay namin hindi rin eh. Unless magpa-sexy siya sa kanyang serye, tutal naroroon naman si Marco Gumabao. Pero ano naman ang magiging reaksiyon ni Gerald kung bold ang series ng syota niya?
Kung kami ang tatanungin ninyo, ewan bahala sila sa buhay nila.