BULABUGIN
ni Jerry Yap
HETO na, sumulat na si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa IATF kasama ang kanyang mga kaalyadong kongresista sa BTS o Back To Service na maturukan ng booster shots ng bakuna laban sa CoVid-19 ang medical frontliners ng ating bansa pati na ang mga nasa delikadong kalagayan dahil sila ay immuno-compromised.
Sa kanilang sulat sa IATF, sinabi ni Cayetano maging nina congressmen LRay Villafuerte, Ranie Abu, Dan Fernandez, Jonathan Sy Alvarado, Mike Defensor, at Lani Cayetano, alam nilang kulang na kulang ang mga bakunanag dumarating sa bansa at kailangan rin mabakunahan ang iba nating mga kababayan ngunit importante at hindi dapat ipagwalang bahala ang kaligtasan ng mga medical frontliners na humaharap sa mga CoVid-19 patients pati na rin ang mga immune-compromised.
Tama itong direksiyon na tinatahak ng grupo ni Cayetano dahil maraming bansa sa buong mundo ang nagsimula nang magturok ng booster shots sa kanilang medical frontliners at pati sa matatandang edad 60 anyos pataas. Ang ibang bansa naman ay nagbabalak na rin gawin ito upang matiyak ang mas siguradong kaligtasan ng kanilang mga mamamayan.
Nag-umpisa nang magturok ng booster shots ang Indonesia, Thailand, at Israel. Susunod na rin ang US, United Kingdom, France, Germany, China, Russia, Turkey, United Arab Emirates, Bahrain, at Singapore.
Kailangan maturukan ng booster shots ang ating medical frontliners dahil tagilid lagi ang kanilang buhay sa pag-aasikaso ng mga may CoVid-19 maging ng mga pasyenteng may ibang malubhang sakit.
Aba, kung hindi ito maaabatan, posibleng bumagsak at mawarak ang ating health system lalo ngayong kabi-kabila ang reklamo ng mga nurse at iba pang medical frontliners dahil hindi nakatatanggap ng kanilang risk allowance at iba pang benepisyo na nakapaloob sa Bayanihan 1. ‘Di ba nga, balak ng mga nurse na magprotesta at may balita na apat sa sampung mga nurse sa mga pribadong ospital ay nag- resign na dahil sa peligro ng kanilang trabaho.
Sa ngayon, 11.7 percent pa lamang ng mahigit 110 milyong Filipino ang fully vaccinated samantala 14.8 percent ang nakatanggap ng 1st dose.
Sa Metro Manila halos tapos na ang pagbabakuna sa San Juan, Marikina, Mandaluyong at Pateros. Pagkatapos nito, handa na rin silang tumanggap ng vaccines mula sa iba’t ibang lugar at kalapit na mga lalawigan.
P45 bilyon ang nakalaan sa 2022 national budget para sa pagbili ng karagdagang bakuna para sa booster shots ngunit gagamitin lang daw ito kapag nabakunahan na ang mayorya ng ating mga kababayan.
Alam naman natin na hihina ang efficacy ng bakuna laban sa CoVid-19 batay sa mga pag-aaral pagkatapos ng anim na buwan. Kung inyong matatandaan, buwan ng Marso ngayong 2021 nag-umpisa ang pagbakuna sa medical frontliners kaya kailangan na nila ng booster shots para muling lumakas ang kanilang panlaban sa pandemyang CoVid-19.
Kaya naman IATF, esep-esep na rin ngayon pa lamang. Bigyan naman natin ng pagpapahalaga ang ating medical frontliners lalo ngayong umaarya sa bansa ang Delta variant at pagpasok na rin ng panibagong Lambda Variant mula sa Peru.
Nararamdamaman na rin ito ngayon sa iba’t ibang panig ng mundo.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com