KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
IBANG klase naman ang pang-eenganyo ni Allan Paule sa mga kabataang artista na magsalita at tumutol sa mga kalakaran sa industriya na disadvantageous sa kanila.
Si Allan na mismo ang nagpapahayag ng pagtutol para sa kapakanan ng young stars na miyembro ng supporting cast (hindi sila lead stars).
Hindi pabor si Allan sa lock-in tapings and shooting para sa character actors na gaya n’ya.
“In a way, pabor ang lock-in taping kasi wala kayong alisan sa isang lugar.
“But doon sa supporting roles na kagaya namin, minsan kasi isang buwan ka roon, tapos limang araw ka lang magte-taping,” lahad ni Allan sa isang online media conference para sa isang pelikula na siya ang bida, ang Nang Dumating si Joey.
Dahil per day kung bayaran ang mga nasa sa supporting cast, kung tatlong araw lang silang nagsyuting, tatlong araw lang ang babayaran sa kanila kahit umabot sa dalawang linggo o isang buwan ang lock-in.
Hindi sila pwedeng maunang umalis, dahil part ng protocol na sabay-sabay silang aalis ng lock-in venue.
Kuwento pa ni Allan, “Actually minsan, may nakakuwentuhan nga ako, sa isang buwan, isang araw lang siyang nag-taping! Wala siyang magawa.”
“So, ‘di ba, parang sa isang buwan, parang sayang ‘yung days na naka-lock-in ka roon,” pangangatwiran pa ng aktor na mas madalas na nga ngayon na supporting roles ang ginagampanan.
May mungkahi siya sa industriya, “Siguro, puwedeng pagkasunduan ng industry na mayroong at least ten days guaranteed na taping ang bawat artista. Para hindi naman lugi ang mga artista.”
Sana ay marinig siya ng mga opisyal ng industriya, halimbawa ay ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).