FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
SA Kadenang Ginto unang lumabas si Adrian Lindayag sa karakter na Neil Andrada, isa sa mga suporta ng The Gold Squad members na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Francine Diaz, at Kyle Echarri handog ng Dreamscape Entertainment.
Tanda namin sa finale mediacon ng Kadenang Ginto, hoping si Adrian na sana magkaroon ulit siya ng teleserye pero hindi na nangyari kaagad dahil nagkaroon na ng Covid-19 pandemic.
Parang gusto naming isiping nakaganda ang pandemya sa karera ni Adrian dahil inalok siyang maging bida sa Boy Foretold by the Stars kasama si Keann Johnson na isinali sa 2020 Metro Manila Film Festival na nanalong 2nd Best Picture, Best Soundtrack, at Gender Sensitivity award.
Bagama’t hindi nanalong Best Actor si Adrian ay pawang good reviews ang natanggap niya sa lahat ng mga nakapanood kaya daig pa niya ang nagwagi ng award.
At hindi nagtapos doon ang magandang balita kay Adrian dahil may series na ang pelikulang nagpasikat sa kanila ni Keann, ang Love Beneath the Stars na mapapanood na ngayong araw, Lunes Agosto 16 sa iWantTFC.
“Sobra akong excited ulit kasi it’s been a long time coming. Matagal na nating hinihintay na makita ‘yung mga sarili natin sa pelikula at sa TV na nai-in love.
“Matagal ng present ang LGBT sa pelikula at sa TV pero parang hindi sila nabibigyan ng rom-com at kilig story. Hinahanap ko ‘yun kasi tayong mga Pinoy mahilig tayo sa mga kilig eh ‘di ba?
“Laking Star Cinema tayong lahat and inaabangan natin sa mga sinehan ‘yung mga kilig stories na ‘yan.
“And na-sa-sad ako growing up na hindi ko napapanood ‘yung sarili ko na kinikilig. And now kinikilabutan ako ‘pag mayroong nagko-comment at nagme-message na mga fan na finally nakikita na nila ‘yung sarili nila sa pelikula at sa TV, na puwede rin sila magka-love story,” masayang sabi ni Adrian nang tanungin siya kung ano ang pakiramdam niyang may series na sa nakaraang virtual mediacon ng Love Beneath the Stars.
Ang kuwento ng series ay nangyari sa personal nitong buhay lalo na noong bago siya magsabi sa magulang niya na ‘gay’ siya dahil hirap na hirap siyang labanan ang nararamdaman niya.
“’Yung faith ko marami ng pinagdaanan ‘yan. I grew up in a conservative Catholic family. So I grew up hating myself because ayokong maramdaman ‘yung mga natural na nararamdaman ko.
“I don’t want to be attracted to boys kasi bawal siya. Narinig ko na bawal ‘yun. So I grew up hating myself and noong nag-college ako sa La Salle, roon ko natutuhan ‘yung iba’t ibang faith, iba’t ibang paniniwala sa mundo.
“Roon ako mas naging liberal and naging atheist ako actually at that time. Tapos it didn’t work out kasi fundamentally I’m a very spiritual person.
“So now umabot na ako sa pag-merge ko ng truth ko as a person and ng relationship ko with God and spirituality. Because God is love and love is to honor God, we have to understand that if only I had the choice, I would just choose to be straight kasi mas madali maging straight.
“But I wasn’t born that way. I have these natural urges. Eh bakla ako eh, may feminine side ako and I also have a masculine side and I embrace all those qualities about me and I think ‘yung purpose ko is to live out my truth so that I can show other people na sila rin they can live their truth. As long as wala kang natatapakan at nasasaktan na ibang tao, ‘yan ‘yung purpose mo sa mundo.”
Kaya nga noong ialok kay Adrian ang Boy Foretold by the Stars ay nagustuhan niya ang script ni Direk Dolly Dulu at kung paano ang atake nito na magtutuloy sa Love Beneath the Stars.
Kung dati ay walang magulang sina Luke at Dominic sa pelikula, sa series ay mayroon na, sina Nikki Valdez (Adrian), Agot Isidro at Romnick Sarmenta (Keann). Kasama rin si Victor Silayan at Iyah Mina.
Ang Love Beneath the Stars ay handog ng Dreamscape Entertainment at Clever Minds na mapapanood sa iWantTFC at idinirehe ni Dolly Dulu.