HATAWAN
ni Ed de Leon
BUMUHOS ang suporta mula sa lehitimong media, sa mga kapwa niya artista, mga politiko at ang mga barangay kay Mayor Isko Moreno, nang sabihin ng presidente na may isang mayor na inalisan niya ng karapatang mamahala sa ayuda mula sa national government dahil disorganized daw, at dinugtungan pa ng, ”nakita ko sa Facebook iyong litrato niya, mayroon pang sinisilip ang ari. Iyan ba ang gusto ninyo?”
Unang nagsalita ang broadcaster na si Karen Davila na nagsabing unfair comment iyon kung ang tinutukoy nga ay si Yorme.
Sumunod naman si Governor John Vic Remulla na nagsabing si Yorme ay maganda ang ginagawa sa kanyang lunsod at hindi dapat basehan kung nagpa-sexy man siya noong araw, kundi kung ano ang nagawa niyon sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Naglabas na rin ng statement si Sen. Ralph Recto na sa paniwala niya si Yorme ay may napakagandang Covid response. Nakapagpatayo siya ng isang malaking isolation center katabi ang isang drive in Covid vaccination center sa tabi niyon na naglilingkod hindi lamang sa taga- Maynila.
Si Ate Vi (Congw. Vilma Santos) rin naman ay nagpaliwanag na mayroon mang mga sexy picture si Isko, hindi siya gumawa ng mahahalay na pelikula.
“Ako mismo may mga sexy picture ako noong gawin ko iyong ‘Burlesk Queen,’ pero hindi mahalay ang pelikula at kinilala iyong isang film classic kahit na ng mga kritiko ng pelikula. Pareho sila niyong naka-damit na madre ako, ang ‘Sister Stella L.’ Wala namang pelikula si Yorme na naglabas ng private parts,” sabi ni Ate Vi.
Walang naging comment si Mayor Vico Sotto ng Pasig kundi, ”kung tatakbong presidente si Yorme Isko, ibibigay ko sa kanya ang suporta ko.”
Pinatunayan naman ng mga barangay na wala pa man ang tulong ng national government ay tuloy-tuloy na ang ayudang ipinaaabot ng Maynila sa lahat ng mga residente. Sabi nga ng aming barangay chairman na si Levi Miguel sa Barangay 812, ”ang utos ni
Yorme wala kaming pipiliin, mahirap o mayaman, malaki ang bahay o
squatter. At kahit hindi botante sa aming barangay, dapat may maiparating kaming food box na hindi naman basta-basta ang laman. Kaya kuha niya ang mga taumbayan.”
Kaya walang nangyari sa blind item, na maski naman sila ay hindi nasabi kung sino nga ang bina-blind item nila. Wala kasing naniwala eh.