HATAWAN
ni Ed de Leon
DAPAT na nga sigurong magpatupad ng sensura sa mga pelikulang ipinalalabas sa internet. Kasi ni hindi dumadaan iyan sa MTRCB dahil sa internet nga ipinalalabas at hindi sakop ng batas ang smga pelikulang nasa internet lamang. Kaya naman namin nasabi iyan ay dahil sa mga nakita naming bahagi ng isang indie na inilabas sa internet na ang mga eksena ay nakasusulasok.
Maliwanag na iyon ay hindi lang basta pelikula, pornograpiya na iyon. Sa classification tiyak na iyon ay X, ibig sabihin hindi maaaring ilabas sa publiko. Maaari lamang iyon sa private viewing, walang bayad at wala ring maniningil sa panonood.
Pinahihintulutan din ba natin ngayon ang porno para aliwin ang mga tao habang dumadaan tayo sa napakahabang quarantine dahil sa pandemya?