HUMATAW ng magkahiwalay na panalo sina National Masters Christian Gian Karlo Tade-Arca at Al Basher Buto ng Pilipinas para malakas na simulant ang pagbubukas ng kampanya sa FIDE Online Rapid World Cup Cadets & Youth – Open 12 and under virtually na humahataw sa Tornelo Platform.
Si Arca, ang pinakabatang online Arena Grandmaster (AGM) sa Pilipinas mula Panabo City, Davao del Norte ay tinalo si Prasanna Lokesh Chandankhede ng Ghana sa unang round at giniba si Nikoloz Kachakhidze ng Georgia sa second round, samantalang si Buto ay tinibag si Alessandro Jair Cardenas Huachaca ng Peru at Chenwu Zhu ng Netherlands.
Natalo naman si National Master Ivan Travis Cu laban kay no.3 seed Edgar Mamedov ng Kazakhstan sa second round, pagkatapos niyang talunin si Gerelmaa Chuluunbaatar ng Mongolia sa opening round.
Samantala, nakapagtipon si National Master Oshrie Jhames Constantino Reyes ng 6.5 puntos sa kabuuang 10 rounds na may 6 panalo, 3 talo at isang draw para pumuwesto ng 3th sa kabuuang 227 partisipante na nagmula sa iba’t ibang bansa sa Open 10 and under.
Ang iba pang atletang Pinoy na lumahok ay sina Christian Tolosa, Phil Martin Casiguran, Mary Joy Tan, Woman Candidate Master Alexandra Sydney Paez, at Marphine Faith Mangubat.
(MARLON BERNARDINO)