KAILANGAN ng isang batas upang maging tax-free ang lahat ng premyong ipinagkaloob kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, ayon sa Malacañang.
“Well, alam ninyo po, walang Filipino na gustong buwisan ang mga pabuya na matatanggap ni Hidilyn. Pero alam ko rin po bilang abogado para magkaroon ng tax exemption, kinakailangan po ng batas,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque sa Palace virtual press briefing.
“So, baka kinakailangan ng mga senador at mga kongresista ang gumawa ng ganyang batas (Maybe Congress needs to pass a legislation on that),” dagdag ni Roque.
Ang pahayag ni Roque ay kasunod ng mga ulat na makatatanggap ng mga pabuya si Diaz ng hanggang P33 milyon cash , house and lot, condominium unit at mga sasakyan.
Kabilang sa cash reward na inaasahang ipagkakaloob sa kanya ang P3 milyong ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na personal niyang pabuya kay Diaz.
Inihain kamakalawa ni House committee on ways and means chairperson Joey Salceda ang House Bill 9891 o ang Hidilyn Diaz Act of 2021, may layunin na i-exempt sa taxes ang monetary donations at rewards para sa national athletes at coaches.
Pinag-aaralan din ng Senado na magpasa ng resolution na magbibigay ng tax exemptions para kay Diaz.
Nauna rito’y inilinaw ng Bureau of Internal Revenue (BIR), batay sa umiiral na batas, ang donors ang magbabayad ng buwis sa ibibigay nilang pabuya kay Diaz. (ROSE NOVENARIO)