NAGKAROON ng amnesia ang Palasyo sa naging atraso kay 2021 Tokyo Olympics gold medallist Hidilyn Diaz at itinanggi na idinawit siya sa planong pagpapabagsak kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
“Hindi ko po alam kung ano ‘yung sinasabi ninyong matrix kasi sa tanggapan ko po, iisa lang po ang opisyal na spokesperson ng gobyerno. Ako lang po ‘yun. Wala po kaming ganyan,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon sa press briefing.
Taliwas sa pahayag ni Roque, noong Mayo 2019 ay inilabas ni noo’y Presidential Spokesman Salvador Panelo ang listahan ng mga taong sangkot sa destabilisasyon laban sa administrasyon na tinaguriang oust Duterte matrix at kabilang si Diaz sa kanila.
Dahil hindi siya ang presidential spokesperson nang maganap ang pag-akusa kay Diaz, walang balak si Roque na humingi ng tawad sa kanilang pagkakamali.
Matapos masungkit ang gintong medalya sa Tokyo, inamin ni Diaz na ang pagdawit sa kanya sa matrix ang isa sa mahirap na pinagdaanan niya.
Magugunitang iginiit noon ni Panelo na dapat paniwalaan ang matrix dahil galing umano ito mismo kay Pangulong Duterte na unang inilabas ng publicist na si Dante Ang.
Pero sa kalatas kahapon, sinisi ni Panelo ang media sa pagsangkot kay Diaz sa matrix dahil inilinaw naman umano niya kung bakit napasama sa listahan ang atleta. (ROSE NOVENARIO)