KUMALAT sa social media ang video footage na muntik sumubsob si Pangulong Rodrigo Duterte nang tila mawalan ng kontrol sa kanyang mga hita habang naglalakad papasok sa Session Hall ng Kamara bago magsimula ang kanyang huling State of the Nation Address (SONA) kamakalawa.
Kitang-kita sa video na napasugod palapit sa Pangulo ang dalawang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) para alalayan ang Pangulo na muntik matumba nang tatlong beses at paikot na humakbang na parang nawalan ng kontrol ang kanyang mga hita.
Sa isang virtual interview sa Pangulo ng DZBB noong Lunes ng gabi sinabi niyang may nakatapak sa kanyang paa kaya siya muntik matumba.
“Pero okay ako, nakakalakad akong mabuti. Wala pa naman akong cane. E kung mag-walking stick na ako, kaya siguro, pero okay lang ako…kasi may nagtapak sa paa ko,” aniya.
Sa press briefing kahapon, inihayag ni Roque na nadulas lang ang Pangulo.
“Nadulas lang po iyon ‘no. Talaga naman pong kung nandoon kayo sa Kongreso bagama’t carpet iyan ‘no, siguro dahil linis na linis iyan ay madulas nang konti iyong carpet lalo na kung ika’y naka-leather shoes. Wala naman pong problema sa kalusugan ang ating Presidente, nadulas lang po iyon,” ani Roque.
Ngunit sa video footage ay wala naman tao sa likod ng Pangulo na nakatapak sa kanyang paa at hindi rin naman siya nadulas.
Matapos ang SONA ay kumain umano sa isang restaurant ang Pangulo kasama sina Sen. Christopher “Bong” Go at common-law wife na si Honeylet Avanceña.
Malakas umano ang buhos ng ulan kaya hindi nakasakay sa helicopter ang Pangulo sa halip ay sumakay sa presidential car pabalik sa Malacañang pero dumaan muna sa restawran para maghapunan.
“Inihatid ako ng helicopter. Kaya lang maulan kaya hindi na nagamit, nag by land ako. Nag-segue ako rito sa Emperor restaurant para kumain,” sabi niya.
Itinanggi ng Pangulo ang ulat na dinala siya sa pagamutan pagkatapos ng SONA.
“Wala po, sa awa ng Diyos,” giit niya.
Noong nakalipas na Independence Day event, magugunitang nadulas ang Pangulo sa podium.
At noong nakaraang Abril ay nabalita na inatake sa puso si Pangulong Duterte na itinanggi ni Go.###
ni Rose Novenario