TINULUNGAN ng isang babaeng pulis ang isang inang inabutan ng panganganak sa isang kalsada sa Brgy. Cagamutan, bayan ng Gamay, lalawigan ng Northern Samar, nitong Linggo, 25 Hulyo.
Ayon kay P/Lt. Paterno Naga, Jr., hepe ng Gamay police, isang nagmamalsakit na residente ang nagtungo sa kanilang himpilan upang iulat na mayroong buntis na tila naabutan ng panganganak at nakahiga sa kalsada.
Agad nagresponde si P/Cpl. Marjorie Dy, isang registered nurse, upang tulungang manganak ang inang kinilalang si Camille de Asis, 27 anyos, na noon ay nagle-labor.
Nabatid na patungo si De Asis at ang kanyang asawang si Dennis Ada, 25 anyos, sa isang paanakan mula sa kanilang bahay sa Brgy. Cade-an nang magsimula siyang makaramdam ng paghilab ng tiyan.
Iniluwal ni Camille ang isang malusog na sanggol na lalaki, pinangalanang Nathaniel dakong 5:30 am nitong Linggo, pangalawang anak ng mag-asawa.
Matapos manganak, dinala ang mag-ina sa Rural Health Office sakay ng police mobile car. ###