DALAWANG human rights activists ang napatay nitong Lunes, 26 Hulyo, iniulat na nakipagbarilan sa mga pulis sa bayan ng Guinobatan, lalalawigan ng Albay.
Kinilala ni P/Maj. Joel Jarabejo, hepe ng Guinobatan police, ang mga napaslang na aktibistang kinilalang sina Marlon Napire, 40 anyos, at Jaymar Palero, 22 anyos, kapwa sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Jarabejo, nang tangkaing pigilan ng mga pulis ang dalawa mula sa pag-i-spray ng pinturang may mensaheng “Duterte ibagsak!” sa konkretong barandilya ng tulay ng Banao sa Brgy. Lower Binogsacan dakong 1:00 am, pinutukan umano ng dalawang beses ang mga pulis, na tumama sa kanilang patrol car.
Hindi natapos ng dalawang aktibista sa pagsusulat ng mensahe sa tulay at tuluyang napaslang nang gumanti ng putok ang mga pulis.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45 baril, isang kalibre.38 rebolber, tatlong basyo ng bala ng kalibre .45, tatlong basyo ng bala ng kalibre .38, siyam na basyo ng bala ng 5.56mm baril, at isang hindi rehistradong motorsiklo.
Sa isang pahayag, kinondena ng Defend Bicol Stop The Attacks Network, isang samahan ng human rights groups sa Bicol, ang pamamaslang at tinawag itong pag-atake sa karapatang pantao.
“Dissent may take on many forms, but to kill innocent unarmed civilians in the dead of the night for painting the people’s call is purely fascist and brutal,” anila sa paskil sa Facebook.
Nabatid na miyembro ng Magsasaka sa Albay si Palaero, habang si Napire ay mula sa Albay People’s Organization. ###