BILANG aktibong katuwang ng iba’t ibang blood donation institution at blood bank na boluntaryong nagdo-donate ng dugo, nagsagawa ng bloodletting activity ang PRO3 PNP sa pagdiriwang ng 26th PNP Community Relations Month nitong Martes, 20 Hulyo, sa Camp Olivas, lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Pinangunahan ang naturang aktibidad ni Deputy Regional Director for Administration, P/BGen. Narciso Domingo, kasama ang Chief Regional Community Affairs and Development Division, P/Col. Rommel Velasco at sa pakikipag-ugnayan ni JBL General Memorial Hospital medical officer Dr. Carl Justin Cruz, may temang “Pulisya at Mamamayan, Barangayanihan sa Hamon ng Pandemya at Laban sa Krimen,” na ginanap sa PRO3 Makatao Activity Center.
Nakalikom ng may kabuuang 23,850cc ng dugo mula sa lumahok na 53 pulis na nagpakuha ng kanilang dugo bilang donasyon sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital upang makadugtong ng buhay ng mga pasyenteng may mga karamdaman. (RAUL SUSCANO)