ni DANNY VIBAS
MAY pangalawang single na ang Alamat, ang Pinoy pop group na pinagkakaabalahan ng well-noted filmmaker na si Jason Paul Laxamana kaya walang napapabalitang may tinatapos siyang pelikula o serye.
Naganap sa official YouTube Channel ng Filipino boyband na Alamat noong July 15 ng gabi ang world premiere ng Kasmala. Si Direk JP ang creative director ng Ninuno Media, ang kompanyang namamahala sa Alamat pop band para sa Viva Records at Viva Artists Agency.
Ang Kasmala ang bagong single ng Alamat na collaborative mix ng Swedish music production outfit na The Kennel at ng ilang Filipino musician at songwriter.
Ang international songwriter na si Thyro Alfaro ang sumulat ng lyrics ng Kasmala na binaligtad na salitang malakas.
Ang The Kennel ang isa pinakamatagumpay na independent international music publishers at nag-produce ng mga kanta para sa phenomenal South Korean boy band na BTS (Moon), Pussycat Dolls (React), Red Velvet (Red Flavor), at Girls Generation (I Got a Boy).
Malaking karangalan para sa walong miyembro (Taneo, Jao, Mo, Tomas, Valfer, R-Ji, Gami, at Alas) ng Alamat na nabigyan sila ng oportunidad na magkaroon ng collaboration sa The Kennel.
“Ang management po namin ang nakipag-usap sa The Kennel and then, ipinarinig sa amin ang mga gawa nila. ‘Yung ‘Kasmala’ ang pinaka-nag-stand out.
“Sobrang excited po kami dahil nakatrabaho ng The Kennel ang mga big artist like BTS at malalaking popstars. At saka ang Sweden ang center ng pop music kaya sobrang excited kami,” sabi ng mga miyembro ng Alamat.
Ayon kay Direk JP, may matinding mensahe ang Kasmala, na isang paalaala sa lahat na mga biktima rin ng Asian hate ang mga Filipino. Pero hindi nasisira at pinanghihinaan ng loob ang mga Pinoy dahil malalakas o “kasmala” ang ating lahi.
Ipinakilala ng Ninuno Media at ng Viva Records ang Alamat isang buwan bago idineklara noong March 15, 2020 ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at Luzon dahil sa coronavirus pandemic.
Pero sa halip na maging hadlang ang pandemya, itinuturing ng mga miyembro ng Alamat na blessing in disguise ang nangyari dahil sa mga nadiskubre nila sa mga sarili.
Nagkakaisang pahayag ng grupo, ”Blessing in disguise ang pandemic para sa amin dahil nasa iisang bahay lang kami, hindi kami lumalabas kaya ‘yung ideas ng bawat isa, mas nagwo-work.
“We were able to think more creatively. Hindi tayo makalabas so iisip ka ng paraan kung paano magiging productive at creative.
“Kakaisip, doon mo natagpuan na may talent ka pala sa pagsusulat ng kanta.”
Maligayang-maligaya ang mga miyembro ng Alamat dahil sa kauna-unahang pagkakataon ngayong 2021, naranasan nilang lumabas sa telebisyon nang magtanghal sila sa All Out Sundays, ang Sunday musical-variety show ng GMA-7.
Tuwang-tuwa ang mga miyembro ng Alamat dahil sa mga papuring narinig nila mula kay Bugoy Drilon at sa ibang mga mainstay performer ng AOS.
Gaya ng unang single nilang kbye ang kasmala ay matinding nagpapakita rin ng Philippine history at Philippine culture ‘di lang sa kanta mismo kundi pati na sa music video nila na ang nangasiwa ay si Direk JP mismo.
May bahagi ang Kasmala na nasa iba’t ibang lengguwahe sa Pilipinas. Iba’t ibang modernized cultural outfits ang kasuotan ng walong miyembro na halos maya’t maya ay nagbabago ang kasuotan habang kumakanta at nagsasayaw.
May native musical instruments din sa music video.
World class ang music video ng Kasmala. Pero kami ang naggigiit n’yan, hindi si Direk JP. Parang wala namang balak si Direk JP na maging biglang maging kasing kontrobersiyal ni Direk Andoy Ranay.