ANG pagkakahati kaya ng partidong PDP-Laban ang pinakamatinding mangyayari sa kampo ni Duterte?
Depende sa kung sino ang tinatanong d’yan, pero para sa mga karibal na partido na patuloy na pinagniningas ang gasera ng oposisyon — nakangisi sila habang sabik na nag-aabang sa mga susunod na mangyayari. Hindi naman sa pagiging salbahe, pero sabihin na lang nating ang mga ‘dilawan’ ay walang kurap sa ngayon dahil ayaw nilang makaalpas sa kanilang paningin ang pagguho ng dati ay solidong ruling party.
Sinisikap kong tukuyin kung aling grupo ang mas may kontrol sa partido. Iyon ba ay ang mga orihinal na miyembro na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel, anak ng isa sa mga nagtatag nito na si yumaong Sen. Aquilino Pimentel, Jr., o ang sangkatutak na naglipatan sa partido, kasama ni Duterte, noong huling eleksiyon?
Comelec na ang magpapasya rito, posibleng sa kalagitnaan ng Agosto – ang palugit sa mga rehistradong partido sa pagsusumite ng kanilang mga dokumento para sa halalan.
Sa puntong ito, asahan nang ang mga kaalyado ng PDP-Laban – mga miyembro ng mga regional parties, partylists, independents, at maging malalaking partido politikal – ay tutuon sa pagtiyak sa sarili nilang kaligtasan ngayong malinaw nang nakikita ang mga bitak sa barko ng partido ng administrasyon. Ang ilan ay pipiliin pa rin sumugal sa kampo ni Duterte kung ang puntirya nila ay national campaign na nangangailangan ng pondo at nakadepende sa impluwensiya ng mga nasa kapangyarihan.
Pero para sa mga lokal na posisyon ang target, ang paglipat ng partido at pakikipag-alyansa sa malalakas na puwersang politikal sa kani-kanilang rehiyon ay, para sa akin, mas kombinyenteng gawin mula sa isang polarizing leader na sinuportahan nila simula 2016.
Sabagay, kung ang mga kaalyado ni Duterte ang mananaig sa liderato ng PDP-Laban, hindi ba parang ang nangyari ay maikokompara sa malakontrabidang pagkubkob ng mga pirata?
Dahil dito, nakikisimpatiya ako kay Sen. Koko.
Gayonman, kailangan kong iklaro na bagamat nasa katwiran ang prinsipyo niya sa pagrespeto sa mga proseso ng partido at sa mga orihinal na kasapi nito laban sa anomang binabalak ng tropa ni Duterte, walang malinaw na direksiyon siyang mailalatag para sa 2022 sa pagpupursigi niya kay Sen. Manny Pacquiao bilang standard-bearer ng PDP-Laban. Maisasalba mo ba ang partido sa paninindigang nalagay sa alanganin ang pangarap ni Pacquiao na maging pangulo ng bansa?
Samantala, malinaw namang nawala na ang kapit ng Pangulo sa PDP-Laban nang ideklara niya (o “undeclaring”) ang intensiyong kumandidato para bise-presidente. Sa ginawa niya, biglang kinapos sa gasolina ang Duterte wrecking train at ang mistulang nag-uulyanin niyang mga pahayag nitong Sabado, tulad ng pangako niya “na magbibitbit ng sako-sakong pera” sa kampanya, ay hindi makatutulong sa kanya.
Kahiya-hiya rin ang pag-amin niya na ang plano niyang kumandidato sa pagka-bise-presidente ay para magkaroon siya ng immunity sa paglilitis. Ang kaisa-isang bagay na mas nakaaawa pa rito, sa palagay ko, ay kapag ibinoto nating mga Filipino ang isang kandidato na ang tanging dahilan sa paghahangad ng ikalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno ay para protektahan ang kanyang sarili laban sa mga pananagutan niya sa batas.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert Roque