PINASALAMATAN ng Board of Governors ng Philippine Basketball Association (PBA) ang Metropolitan Manila Development Authorithy (MMDA) sa pag-alalay at pagtanggap ng kanilang kahilingan na mabakunahan ang mga PBA player, mga coach, at staff laban sa coronavirus disease (CoVid-19).
Sa kahilingan ng PBA na kabilang sa maituturing na economic frontliners, nasa A-4 category ng priority list ng pamahalaan sa vaccination program.
“The PBA is one of the industries in the country struggling to cope with CoVid-19. About 1,200 workers in the industry have been affected by the pandemic,” ani MMDA Chairman Benhur Abalos, Jr.
Pangalawa ang PBA sa pinakamatagal na professional basketball league sa mundo sunod sa National Basketball Association (NBA), na naging bahagi na ng kulturang Pinoy, aniya.
Sa ilalim ng A4 group ng CoVid-19 vaccination program, ang private sector workers na pisikal ang presensiya sa kanilang trabaho sa labas ng kanilang bahay ay eligible sa bakuna ng gobyerno.
Ipinaliwanag ni MMDA Chief Abalos, ang mga manlalaro ng basketball at mga atleta ay magagamit na influencers ng gobyerno para sa pagpapataas ng kamalayan ng publiko hinggil sa benepisyo ng pagbabakuna.
Iminungkahi rin ng MMDA na sumailalim muna sa antigen testing ang mga manlalaro bago ang kanilang practice, at kung papayagan na sila ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial, malapit na ang pagsasagawa ng sariling vaccination drive at nangako na ido-donate nila sa pamahalaan ang biniling CoVid-19 vaccines kapag dumating na sa bansa. (JAJA GARCIA)