TINATAYANG nasa P1.3 bilyong halaga ng mga pekeng sigarilyo at mga materyales ang nakompiska, habang limang mga tauhan ng sindikato ang naaresto sa pagsalakay ng PRO3-PNP sa dalawang factory sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga, nitong nakaraang Huwebes, 24 Hunyo.
Ayon kay PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon, dala ang mission order ay sinalakay ng mga kagawad ng Criminal and Detection Group (CIDG) Pampanga PFU, BIR R4 Regional Investigation Division, Mabalacat City PS, Pampanga PPO kaantabay ang PMFTC, IP Manila, at DOST3, ang factory sa DOST compound sa Brgy. Paralayunan, sa nabanggit na lungsod.
Nakompiska ng mga awtoridad ang isang berdeng Izuzu wing van truck, may plakang lO 3955 kargado ng mga sako-sakong pinatuyong tabako; isang Hyundai utility vehicle; 22 kahon, anim na ream ng Yunyan; 14 kahon Shuangxi; 13 kahon, 19 reams, siyam na pakete ng Gold Line; 72 reams ng Nanjing; walong reams ng Jinsiye; 19 reams, tatlong pakete ng Black Pearl; apat na kahon, 35 reams ng Marlboro; at 35 reams ng Titanium, at bultong materyales sa paggawa ng pekeng sigarilyo na may halagang P300,000,000.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Danny Martizano, 48 anyos, ng Bisug, Surigao Del Sur; Richie Alminion, 34 anyos, ng Cawayan, Masbate; Sammy Molina, 44 anyos, ng Natividad, Pangasinan; Ryan Tilanduca, 24 anyos, ng Malaybalay, Bukidnon; at Efren Tacomto, 46 anyos, ng Mabalacat, Pampanga, pawang mga konektado sa Wendel Criminal Group na sangkot sa pamamahagi ng mga pekeng sigarilyo sa Gitnang Luzon.
Sinalakay din ng mga operatiba sa follow-up operation ang ikalawang bodega ng mga sindikato sa Global Aseana Park 1, sa bayan ng San Simon, sa nabanggit na lalawigan, kung saan nakompiska ang 147 pirasong invalid BIR stamps (green); 1,470,000 invalid BIR stamps (light blue); 12 cigarette packer machine; dalawang cigarette maker machine; 10 kahon Back Film at Label; 100 rolls cigarette paper; 35 rolls tipping paper; 46 rolls cigarette foil; 48,000 pirasong cigarette filter; apat na kahon cigarette paper; 36 kahon soft label (jackpot); bultong mga brand ng sigarilyo; at mga materyales sa paggawa ng sigarilyo na tinatayang P1,000,000,000 ang halaga.
“The Philippine National Police-Police Regional Office 3 along with other government agencies are intensifying its monitoring to prevent the entry and proliferation of contrabands in the region,” pahayag ni P/BGen. De Leon.
(RAUL SUSCANO)