SWAK sa kulungan ang kinahinatnan ng isang hinihinalang tulak na kabilang sa listahan ng high value individuals (HVIs) at ng kanyang tatlong kasabwat makaraang makuhaan ng halos P374,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga operatiba ng Angeles City DEU at PS4 nitong Biyernes, 25 Hunyo, sa Brgy. Malabanias, lungsod ng Angeles City, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon ang mga suspek, ayon sa ulat ni P/Col. Rommel Batangan, na sina Amiladen Lucman, alyas Amil, high value individual (HVI), 36 anyos; Darwin Dalusung, 40 anyos, kapwa residente sa Brgy. Manibaug; Clarissa Tapnio, 30 anyos, ng Brgy. Calzadang Bayu, pawang sa lalawigan ng Porac; at Kalil Bayabao, 27 anyos, residente sa Brgy. Balibago, lungsod ng Angeles.
Nakompiska ng mga operatiba mula sa mga suspek ang 12 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 55 gramo at nagkakahalaga ng P374,000, at marked money na ipinain sa mga suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, may kaugnayan sa Section 26 at Section 11 ng Article ll ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nakakulong nang suspek.
“With the continuous arrest and neutralization of drug peddlers, the proliferation of illegal drugs and destruction of many lives are prevented,” pahayag ni P/BGen. De Leon. (RAUL SUSCANO)