NADAKIP sa manhunt operation ang isang puganteng highlander na sinasabing top 7 sa mga listahan ng mga most wanted sa lalawigan ng Kalinga sa ikinasang manhunt operation ng mga kagawad ng Mabalacat City Police Station at Tabuk City Police Station, Kalinga PPO, nitong Sabado, 19 Hunyo, sa pinagtataguang lugar sa Filipiniana, Brgy. Dau, lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon ang suspek, base sa ulat ni P/Col. Arnold Thomas Ibay, provincial director ng Pampanga PPO, na si Julie Lapuz, 59 anyos, may asawa, walang trabaho, residente ng Brgy. Dagupan, lungsod ng Tabuk, lalawigan ng Kalinga.
Dinakma ang suspek base sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Rape in relation to RA 7610 na nilagdaan ni Presiding Judge Jerson Angog, ng Tabuk City RTC Branch 25, may petsang 25 Agosto 2019, may inirekomendang piyansang P240,000 pata sa pansamantalang paglaya ng suspek. (RAUL SUSCANO)