SAMA-SAMANG naglunsad ng clean-up drive sa kapaligiran at mga ilog ang mga kagawad ng PRO3-PNP at mga mamamayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Ocean Month at upang maiwasan ang paglaganap ng sakit na dengue sa lalawigan ng Pampanga.
Bitbit ang mga walis, rumatsada ang mga miyembro ng LGBTQ sector sa bayan ng Porac at nilinis ang mga basura sa palengke.
Kasama ang tropa ng Sta. Rita Municipal Police Station, sa pangunguna ni P/Capt. Don Kenneth Asuncion, magkatuwang na nilinis ng mga pulis at mga mamamayan ang kahabaan ng Ecopark ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Provincial Tourism Officer Jay Luna, ipagpapatuloy ang clean-up drive kada linggo bilang parte ng community service at kailangan tulong-tulong lalo sa panahon ng pandemya.
Sa bayan ng Apalit, namalakaya sa laot ang mga mangingisda upang mangolekta ng mga basura ng kansenala at iba pang mga coastal areas na bahagi ng Pampanga river.
Umabot sa halos 600 sako ng basura ang nakalap ng mga bangkero at hinakot sa pampang upang hindi na anurin patumngo sa Manila Bay.
Ayon kay Apalit Mayor Jun Tetangco, balak nilang maglunsad ng Water Sports ngunit nakita nila ang maitim na tubig at tambak ng mga basura na nagmula sa mga katabing bayan.
Nananawagan si Mayor Tetangco sa mga nanunungkulan sa mga bayan ng Candaba, Arayat, San Simon, at San Luis ng pagkakaisa at pagtutulungan upang mamantina ang kalinisan ng bawat kinasasakupang coastal area.
Sinabi ni Dr. Ma. Imelda Ignacio, Provincial Health Officer, makabubuti ang ginawang clean-up drive at ito ay mahalaga upang mawala ang breeding places ng mga lamok.
Aniya, gustong pangitlogan ng mga lamok ang mga stagnant water at masusukal na lugar.
“Ang dengue ay nakamamatay kung hindi mabibigyan ng agarang lunas,” dagdag ni Dr. Ignacio. (RAUL SUSCANO)