FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
INAMIN na ni Aiko Melendez na babalik siya politika sa 2022 at congress ang plano niya bilang representante ng District 5 ng Quezon City dahil doon siya nakatira at kasalukuyang nagpapagawa ng bahay.
Sa kasalukuyan, maraming kumakausap sa kanya para sa partido pero ni isa ay wala pa silang binibigyan ng sagot ng boyfriend niyang si Zambales Vice Governor Jay Khonghun na tumatayong campaign manager niya.
“’Yung mga taong kumakausap sa akin mula sa Quezon City si Vice Gov ang kinakausap more than me. Mga politiko rin from Quezon City, mga LGU, ‘di ba supposedly naman talaga last election I was supposed to run kaya lang I had to stay with Vice Gov and since naman ngayon he has to be with me when I run.
“So, napag-usapan namin na since maraming taong nagkukumbinse sa akin to run and kahit naman noong wala pang pandemic I’m always behind the scene sa pagse-serbisyo sa bayan. It was always been my first love kaya ikino-consider ko talaga ang public servant,” kuwento ni Aiko sa ginanap na virtual mediacon kahapon ng tanghali kasama ang love of her life na si VG Jay.
Hindi na bago kay Aiko ang District 5 dahil nagsilbi siya ng siyam na taon bilang konsehal, ” kabisado ko po kaya mas nadagdagan po ang confidence ko na magserbisyo po ulit sa Distrito 5 dahil hindi pa rin ako nakalilimutan ng mga ka-distrito ko.”
Natanong ang aktres na makakalaban niya ang kapatid ng aktor na kasalukuyang nakaupo ngayon sa District 5 pero hindi kalaban ang tingin niya sa magkapatid.
“Sina Alfred and PM (Vargas)? Sa bawat kumakandidato naman ay may karapatang tumakbo at magserbisyo. May kanya-kanya silang paraan. I don’t see them as kalaban. Mai-inspire ako na galingan ko ang pagse-serbisyo ko sa tao.
“Hindi naman ako tatakbo para kalabanin sila, tatakbo dahil gusto kong magserbisyo kaya kahit na sino ang kalaban ko handa kong harapin,” paliwanag ni Aiko.
At naklaro rin na hindi makakalaban ni Aiko ang aktor na si Arjo Atayde na nagpaplano ring kumandidato bilang congressman dahil sa District 1 siya.