Caloocan Sports Complex, mega vaccination hub na
UPANG mas marami pang mabakunahan kontra CoVid-19, pormal nang binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan nitong Lunes ang Caloocan Sports Complex bilang isang mega vaccination site.
Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, alinsunod sa tagubilin ng World Health Organization (WHO) ang mga bakunang gagamitin ay ilalaan lamang para sa A1, A2, A3 priority groups.
Kayang tumanggap hanggang 1,500 residenteng magpapabakuna ang Caloocan Sports Complex.
Ang ibang magpapabakuna na kabilang sa A4 ay maaaring magtungo sa ibang itinalagang vaccination sites.
Nitong Huwebes, dumaan sa masusing inspeksiyon at simulation ang mega vaccination site sa pangunguna ng Department of Health (DOH).
Sinabi ng alkalde, kung kabilang sa priority groups at nakapag-profiling na ay hindi na kinakailangan maghintay ng appointment o text message.
Maaaring magtungo sa pinakamalapit na vaccination site sa inyong lugar pero dapat tiyaking maayos at tama ang pag-fill-up sa online profiling.
Sa ulat ng City Health Department, mahigit 200,000 residente sa lungsod ang tapos nang bakunahan ng CoVid-19 vaccine. (JUN DAVID)