ni ROSE NOVENARIO
ISINIWALAT ni Bayan Muna partylist Rep. Carlos Zarate, ang P19.1 bilyong pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay ginagamit ng mga opisyal nito upang isulong ang ambisyong politikal sa 2022 habang ang alokasyong pambili ng CoVid-19 vaccine ay dalawang bilyong piso lamang.
Ang pahayag ni Zarate ay matapos sabihin ni Communications Undersecretary at NTF-ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy-Partosa na gagagawin ng task ang lahat upang mapatalsik sa Kongreso ang Makabayan bloc.
Sa panayam sa OneNews kahapon, binatikos ni Zarate ang pamamahagi ng NTF-ELCAC ng P30 milyon kada barangay habang nagkalat ang mga tarpaulin na nagpo-promote ng mga personalidad ng task force.
“Naghihirap ang mga mamamayan, milyon-milyon ang nahihirapan ngayon but this task force is capable of dispensing P30-M per barangay and mind you there are already tarpaulins promoting the personalities of this task force who are apparently preparing to run in the coming elections in 2022,” ani Zarate.
Nagiging tinik umano ang Makabayan bloc sa NTF-ELCAC at sa anti-people policies ng administrasyong Duterte kaya gustong mawala sila sa Kongreso.
“Tinik kami sa kanila. For example , we questioned their budget, why in the midst of this severe crisis in this time of pandemic allocate P19.10 billion to a task force not even to a line agency. We only allocated two billion to procure vaccines but we allocated 19.1 billion to this task force to be used supposedly for their operations… red-tagging operations and they are allowed to distribute P30-M to each barangay, this can be used for politicking and very vulnerable to graft and corruption,” giit ng kongresista.
Kapag ginamit aniya ng NTF-ELCAC ang pondo nito para tustusan ang pagpapatanggal sa kanila sa Kongreso ay katumbas ito ng imbitasyon ng task force sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Hinamon ni Zarate si Badoy-Partosa na magsampa ng kaso laban sa Malakabayan bloc upang magkaroon ng tsansa na isailalim sa cross-examination ang mga testigo ng task force.
Giit niya, isang malaking kalokohan ang sinabi ni Badoy-Partosa na nais pabagsakin ng Makabayan bloc ang gobyerno.
Wala aniyang kakayahan ang anim na kongresista mula sa Makabayan bloc na pabagsakin ang gobyerno at sa katunayan ay nasa ulat mismo ng Mababang Kapulungan ang maganda nilang track record bilang mga mambabatas sa nakalipas na dalawang dekada.
Kombinsido si Zarate na batid ng publiko na hindi ang Makabayan bloc ang ugat ng kahirapan at rebelyon sa bansa.