GABI-GABI ay nabubusog sa aksiyon, inspirasyon, kilig, at aliw ang mga Filipino sa panonood nila sa TV5 ng mga ABS-CBN teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano, Huwag Kang Mangamba, Init sa Magdamag, at Asianovelang Count Your Lucky Stars.
I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 ang mga bagong episode ng mga bakbakan ni Cardo, mga himala nina Mira at Joy, mga mapupusok na eksena ni Tupe, at ang pagpapakilig ni Jerry Yan sa bago niyang serye.
Subaybayan ang pambansang teleseryeng FPJ’s Probinsyano at ang maaaksiyong pakikipagsapalaran ni Cardo (Coco Martin) kasama si Lia (Jane De Leon) sa patuloy niyang paghahanap ng hustisya para sa kanyang namatay na asawa.
Makakukuha naman ng inspirasyon sa Huwag Kang Mangamba, na unti-unting napapalapit nina Mira (Andrea Brillantes) at Joy (Francine Diaz) ang mga tao sa Hermoso kay Bro habang umiigting ang paghahanap nila ng pondo sa pagtatayo ng simbahan sa bayan.
Nakatakda namang bumalik ang nakaraan sa Init sa Magdamag, na nagkakalapit ang mga mundo ng dating magkasintahang sina Tupe (Gerald Anderson) at Rita (Yam Concepcion) dahil sa pagsasama nila sa isang proyekto.
Magle-level up naman ang kilig at drama nina Calvin (Jerry) at Andi (Shen Yue) sa Tagalized na Count Your Lucky Stars pagkatapos umamin ni Andi na may gusto siya kay Calvin habang lasing ito.
Isa ang TV5 sa platforms na nae-enjoy ang mga palabas ng ABS-CBN sa patuloy nitong paghahanap ng paraan na maabot ang mga Filipino nasaan man sila. Kamakailan, inilunsad ng ABS-CBN ang Andito Kami Para Sa’ Yo plug sa social media, isang taon matapos itong mawala sa ere, para ipaalala sa mga Filipinong andito pa rin ang ABS-CBN para maglingkod at magpalabas ng mga programa sa free TV, cable TV, at online.
Bukod sa TV5, mapapanood ang apat na primetime shows na ito sa A2Z Channel at Kapamilya Channel.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan