Maramdaming aso
MASYADONG malaki ang tingin ni Rodrigo Duterte sa sarili. Bilib na bilib sa sarili. Mahirap kantiin ang kanyang ego dahil punong-puno siya ng yabang sa katawan. Ngunit sobrang manipis ang pride at sa kaunting kanti, nasasaktan at nagtataray. Labis na maramdamin si Duterte sa aming pagtaya. Masahol pa sa paslit na inagawan ng kendi. Matanda na pero isip bata si Duterte.
Ayon kay Duterte, hindi siya takot kay Antonio Carpio. Pero bakit umurong at umiwas matapos tanggapin ni Carpio ang kanyang hamon sa debate? Kung hindi siya takot na takot kay Carpio, bakit isusubo ang isang pipitsugin na utusan imbes siya ang makipagdebate?
Hindi katanggap-tanggap ang palusot na kaya umiwas kay Carpio ay dahil hindi presidente si Carpio na kaparis niya. Kanino siya makikipagdebate tungkol sa usapin ng pagkamkam ng China ng ating teritoryo kundi sa kanyang sarili? Aba, matindi ang katok niya sa ulo.
Mahirap ang asal ni Duterte, manduduro at pabigla-bigla ang takbo ng isip sa usapin ng bayan. Akala kaya ng kanyang mapanuwag na asal ang lahat ng tao sa Filipinas. Hindi kinakikitaan ng linaw ng pag-iisip si Duterte sa mga isyu, masyadong padalos-dalos.
Panligaw ng atensiyon ng publiko ang debate na hindi natuloy sa pagitan ni Duterte at Carpio. Iisa ang pakay ng paghahamon ni Duterte. Nais niyang ipahiya si Carpio sa mata ng publiko, sa halip, baligtad ang nangyari. Siya ang napahiya sa isyu at pinagtatawanan sa buong mundo. Hindi niya kaya ang maghamon ng away at sumagupa, siya ang nagulpi sa opinyon publiko.
Nais ni Duterte na ipawalang bisa ang desisyon ng Permanent Arbitration Commission ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS). Nagsakdal noong 2013 ang gobyerno ni Pangulong Noynoy Aquino, sa Commission dahil sa pag-angkin ng China sa halos kabuuan ng South China Sea, kasama ang West Philippine Sea na bahagi ng South China Sea.
Nanalo ang Filipinas noong 2016 at idineklara ng UNClOS Permanent Arbitration Commission na walang batayan sa kasaysayan at batas ang teoryang Nine-Dash Line na ginagamit ng China bilang basehan ng kanilang pagkamkam sa halos kabuuan ng South China Sea.
Nakapon ang China dahil sa desisyon. Nawala ang taray at tikas upang ganap na kamkamin ang South China Sea. Tanging si Duterte lang ang nasindak sa China. Siya lang ang nagsasabi na mauuwi sa digmaan ang anumang pagtutol sa China.
Pinagtatawanan si Duterte sa kanyang kakatwang paninindigan. Nawalan siya ng bayag at lumabas na hindi totoo na matapang si Duterte. Ang totoo ay duwag siya lalo na kapag China na ang nasa usapan. Si Rodrigo Duterte ang maramdaming aso ng China sa usapin ng China at South China Sea.
***
MISTULANG isang huramentado na naghamon ng debate si Harry Roque tungkol sa usapin ng pagpasok ng China sa West Philippine Sea. Ang hinamon ni Roque sa debate ay walang iba kundi si Bise Presidente Leni Robredo. Napikon si Harry Roque at kumembot ang balakang nang pagtawanan ng Bise Presidente noong Linggo ang kanyang pahayag tungkol sa paghahamon ni Duterte ng debate kay Carpio. Mukhang sa tingin ni Roque at Sal Panelo, si Carpio ang naghamon ng debate, ayon sa Pangalawang Pangulo.
Tulad ng inaasahan, pinagtawanan si Roque sa hamon. Hindi namin nakita na papatulan ng Pangalawang Pangulo ang naghuhuramentado. Walang matuwid upang patulan ang tao na walang katwiran, kakayahan, at kalidad sa isyu. Maganda ang sagot ni Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ng Bise Presidente. Malamig ang ulo ni Barry Gutierrez at hindi siya kinakitaan ng padalos-dalos at walang kuwentang sagot. Bagkus, ipinaliwanag niya nang malinaw ang isyu na ipinagpuputok ng butse ni Harry.
Hindi debate ang kailangan ng bayan, ani Barry Gutierrez kay Roque bilang sagot sa kanyang pagwawala. Ang kailangan ay dialogo, o malaya at mahinahon na pag-uusap ng mga taong nasa poder at oposisyon, aniya. Ito ang gusto ng Pangalawang Pangulo sa kanyang batikos sa mga pahayag ni Duterte sa isyu. Maiging linawin ni Duterte ang totoong tumbok ng kanyang mga pahayag, aniya.
Walang layuning linawin ang hamon ng debate ni Roque sa Pangalawang Pangulo, ani Gutierrez. Inilalayo lamang ni Harry Roque ang isyu sa pansin ng madla. Sa panayam ng dzBB, sinabi ni Gutierrez: “Ang binigkas ni Presidente Duterte ang sinabi ni VP Leni na nakababahala para sa kanya — na bilang pangulo ng ating bansa, ikaw ang unang magsasabi na nasakop na ng Tsina, o nasa possession na ng China, ang West Philippine Sea?”
Dagdag ni Gutierrez: “At iyong punto ni VP Leni doon sa kanyang sinabi noong Linggo sa kanyang programa ay mayroong mga implikasyon ito, na lagpas sa magiging termino niya at ni Pangulong Duterte na matatapos sa 2022. So iyon iyong isyu na gusto niyang tutukan. Hindi siya naghahamon sa debate. Ang kanyang kinomentohan ay ang sinabi ni Pangulong Duterte. So walang kinalaman si Harry Roque rito.”
May patutsada si Barry Gutierrez na pilit isinubo ni Duterte si Roque kahit alam ng publiko na walang kakayahan si Roque. Kinikilala si Roque bilang isang abogado na walang naipanalong kaso sa husgado. Nililibak kahit ng kapwa abogado sa larangan ng batas. Kantiyaw sa kanya ay abogado ng human rights na naging human wrong.
Dagdag ni Gutierrez: “Naaalarma si VP Leni roon sa sinabi ni Pangulong Duterte. Si Pangulong Duterte ba ang gustong kumausap kay VP Leni? Kasi kung oo, handa siyang humarap. In fact, sinabi na ni VP Leni iyan: na isa sa kaniyang ikinalulungkot dito sa buong isyu na ito ay imbes ating tutukan ay iyong Tsina na siyang nanghihimasok at nang-aagaw ng ating mga karagatan sa kasalukuyan ay parang tayo pa iyong nagtuturuan, ‘di ba? […] Ang habol lang naman ng mga taong ito, maging mas matibay ang ating pagtindig sa pagdepensa sa ating teritoryo, sa ating karapatan,”
Wala kaming masabi kay Barry Gutierrez kundi paghanga sa kanyang tatag ng loob at lalim sa isyu. Si Harry Roque, huwag na lang…
BALARAW
ni Ba Ipe