ITINURO ng mga saksi ang nadakip na suspek sa pagpatay sa isang treasure hunter na Japanese national, ng mga kagawad ng Cuyapo Municipal Police Station nitong nakaraang Miyerkoles, 5 Mayo, sa ikinasang follow-up operation sa Brgy. Baloy, bayan ng Cuyapo, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon, batay sa ulat ni P/Col. Jaime Santos, ang suspek na si Villamar Ronquillo, alyas Amar, 40 anyos, binata, kasama ng biktima sa iisang bahay, sa Brgy. Columbitin, sa nabanggit na bayan.
Gayondin, kinilala ang biktima na si Norio Kurumatsuka, 82 anyos, Japanese national, isang treasure hunter, nanunuluyan sa bahay ng kapatid na babae ng suspek, sa nabanggit na lugar.
Ayon kay P/Lt. Silvestre Colanza, deputy chief of police at team leader ng Task Force Tugis na agad nagresponde nang maiulat sa kanilang himpilan noong 4 Mayo ang insidente, nadatnang nakabulagta at wala nang buhay na biktima, may mga sugat at pasa sa ulo at kamay sa isang bakanteng lote malapit sa tinutuluyan niyang bahay sa lugar.
Base sa mga nakalap na mga impormasyon at testimonya ng mga saksi, agad sinalakay ng mga awtoridad ang hideout na pinagtataguan ng suspek sa Brgy. Baloy, hindi kalayuan sa pinangyarihan ng insidente na nagresulta sa kanyang pagkadakip.
Batay sa imbestigasyon, hindi magkasundo ang suspek at ang biktima bagaman magkasama sa iisang bubong, at palagi umanong nag-aaway hanggang magkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pamamaslang ng suspek sa matandang Hapones.
Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ni Kurumatsuka upang malaman ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Samantala, nahaharap sa kasong murder ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng PNP Cuyapo.
(RAUL SUSCANO)