Habang nakabinbin sa Kamara P10,000 ayuda sinimulang ipamahagi ni Cayetano
INILUNSAD ang Nationwide Bayanihan Project ng pamahalaang lungsod ng Taguig, na 200 pamilyang benepisaryo mula sa ilang lugar sa bansa ang nabiyayaan ng P10,000 ayuda para sa mga labis na naapektohan ng pandemya.
Kasabay ng paggunita ng Araw ng Paggawa, sinimulan sa lungsod ng Taguig at 12 lungsod at lalawigan sa bansa ang isinagawang simultaneous na pamamahagi ng tulong.
Ang Nationwide Bayanihan Project, may temang “Sampung Libong Pag-asa” na inorganisa ng tanggapan ni dating house speaker Congressman Alan Peter Cayetano, ay naglalayong patuloy na maipamahagi ang P10,000 ayuda sa higit 200 benepisaryo na lubhang naapektohan ng pandemya.
Pinangunahan ni 2nd District Rep. Lani Cayetano ang pagbibigay ng P10,000 cash sa 10 pamilya sa Taguig at iba pang opisyal sa magkahiwalay na lugar kabilang ang Caloocan City, Marikina City, Quezon City, Mandaluyong City, Taguig City, Pateros, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Antipolo City, Ormoc City, at Camarines Sur.
Matatandaan, patuloy na isinusulong ni Cayetano ang P10,000 cash bilang ayuda na sinusuportahan ng iba pang kongresista para sa mga naapektohan ng pandemya.
Hinihintay na lamang na maipasa ito sa Kongreso ngayong buwan. (JAJA GARCIA)