TOTOO nga ‘yung kasabihang, ”When it rains, it pours!”
Ganito ang nangyayari ngayon, sa panahon ng pandemya sa komedyanteng si KitKat Favia.
Kamakailan, sa gitna ng pag-ikot ng Covid-19, nabiyayaan ng isang regular na palabas tuwing tanghali si KitKat, sa Happy Time ng NET25.
Pero ilang buwan pa lang siyang namamayagpag doon bilang kinagigiliwang host na kinatutuwaan maski ng pamunuan nito, nangyari naman ang isang sitwasyong humantong sa pagkawala niya sa programa.
Masakit man sa dibdib ni KitKat, tinanggap na lang niya ito at ipinagpasa-Diyos na lang ang lahat ng mga nangyari.
Eh sabi rin, basta may nawala sa iyo, inagaw o kinuha o basta tinanggal, asahan mong mas may malaking kapalit ito na ibubwelta sa ‘yo.
Naniniwala si KitKat sa galaw ng kamay ng Panginoon.
Tuloy-tuloy man ang pandemya, pansamantala man muna nilang isinara ang kabubukas lang na Miyagi Japanese Restaurant nila, na ang inaalala niya eh ang staff nila, nananalig si KitKat pati na ang mister na si Walby na babalik din ito para muli pa silang makatulong sa iba.
At dahil may pangyayari sa buhay ni Angel Locsin na naghain ng tulong noong kanyang kaarawan sa itinayong community pantry, may hindi inaasahang mga kaganapan.
Kinailangan muna ni Angel na mag-self quarantine ng ilang araw. Matapos ang birthday presentation sa kanyang programa, kinailangan ng programa niyang Iba ‘Yan na saglit na kumuha ng kapalit niya sa episode na ipalalabas sa Linggo, May 2, 2021 sa Kapamilya.
Natuwa si KitKat sa pagkakataong dumating. Na malaki ang paghanga kay Angel. Siya ang napisil na sandaling halinhan ang aktres.
“Kinailangan ko ring dumaan sa health protocols, Mama. At natapos na kaming mag-taping sa Pasig. Mga firefighters o bumbero ang tinulungan ng ‘Iba ‘Yan.’
“Ang dami kong natutuhan sa kanila. Ay ang saya! Pramis nakaka-tuto talaga ‘Ma… ‘Yung simpleng mga akala ko na mahirap gamitin gaya ng fire estinguisher, ang tubig na pangtanggal ng nasunog na mga wire etc. ok na ok, marami pa pala tayong ‘di alam. ‘Yun ang ibabahagi ng mga nakausap naming firefighter.
“Sobra akong na-touch sa mga istorya nila. ‘Yung walang mga nakukuhang bayad o suweldo o benepisyo ang mga fire volunteer. Pero nag-ri-risk ng buhay nila tapos 24 hors naka-antabay sila para sa buhay ng mga tao. ‘Yun ang mapapanood nila sa Linggo.”
Ang magagandang nangyayari ngayon kay KitKat ay bunga, hindi lang ng pagpupursige niya para maging mahusay na host, kundi ang maging ehemplo ng isang propesyonal na katrabaho sa mundo niya.
Trabaho sa ibang bansa sana ang muntik na niyang tanggapin bago nag-pandemya. Pero iniadya na rito pa rin siya mamalagi.
“Ang bilis ‘no? Ang galing po ‘Ma hehehe. Galing ng sunod-sunod po na guesting hehehe. May ‘It’s Showtime,’ ‘Magandang Buhay,’eto ngang ‘Iba ‘Yan,’ ‘All Out Sundays.’Hintay ko rin ang ‘The Boobay and Tekla Show’ na mag-resume. Then ‘yung sitcom sa Iwant (Hoy, Love U! ba ito?).
At ang kala niyang isang beses lang na pagho-host sa Iba ‘Yan ay nasundan pa uli. Kaya dalawang beses siyang mapapanood dito.
Ibang klase nga si KitKat. Malamang bukod sa panalangin niya sa tuwina (matutuwa ka kung paano siya magdasal na parang bata), siguradong inaalalayan pa rin siya ng kumuha sa kanya sa Net25 noon na inintriga pa ng iba.
Basta masaya lang ang komedyana.
Hindi naman talent lang ‘yan, eh. Ang attitude mo rin sa trabaho at sa mga kasama mo is what counts.
Kaya ‘ayan! Kulang na lang eh bagyuhin ang komedyana ng blessings sa mga trabahong maya’t maya ang dating sa kanya.
May nawala. Kapalit ay sanrekwa! Ayoko mag-beh, huh!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo