TODO ang puri ng Hollywood producer na si Dean Devlin at ang Amerikanong aktor na si Christian Kane sa kanilang mga nakatrabahong Filipino sa Almost Paradise, ang international crime drama series na umeere tuwing Linggo sa Kapamilya Channel at A2Z.
Sa panayam sa TV Patrol noong Martes (Abril 27), sinabi ng producer ng mga sikat na pelikulang Independence Day at Godzilla na hangarin nila sa Almost Paradise na maipakita ang husay at kakayahan ng Filipino.
“Our hope with our show is to not only make a show that people enjoy and show the Philippines in a light that I think is necessary, but also to expose this incredible talent,” ani Dean.
Proyekto ng Electric Entertainment ni Dean at ng ABS-CBN ang Almost Paradise, ang kauna-unahang American TV series na kinuhanan ng buo sa Pilipinas. Tampok din dito ang mga Filipino aktor at maging mga tao sa likod ng kamera ay mga Pinoy.
Maski ang bida ng palabas na si Christian ay maganda ang karanasan sa kanilang shooting sa Cebu bago ang pandemya, na naging malapit ang lahat sa isa’t isa.
“We became a family so quick and I’m not talking about just the actors. I’m talking about every single person on that set. This is one of the best crews if not the best crew we’ve ever worked with. Maraming salamat, Kapamilya,” sambit niya.
Gaganap bilang Danny ang isa pang tanyag na artista mula sa Amerika na si Richard Kind, na nakilala sa mga sitcom na Mad About You at Spin City.
Ito ay idinirehe ng Filipino-American filmmaker na si Francis Dela Torre. Tampok din dito ang mga Filipinong aktor na sina Noel Trinidad, Richard Yap, Poppert Bernadas, Miguel Vasquez, at Rebecca Chuaunsu.
Manood ng Almost Paradise sa Linggo, 8:45 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, iWantTFC, at Kapamilya Online Live (KOL) sa Facebook at YouTube.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan