MARAMI ang nagtataka kung bakit bumagal daw yata ang usad ng mga dokumento sa hiring and promotion sa mesa ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra.
Kung ating matatandaan, Disyembre noong nakaraang taon nang magsimula ang interview for Senior Immigration Officers at Enero naman noong magsimula ang selection process sa hiring of new Immigration Officers ngunit hanggang ngayon ay parang wala lumalabas na appointments sa opisina ng SOJ.
Sino kaya ang nagpapatagal sa proseso? Ang mga padrino ng mga candidate sa promotion? Ang kasalukuyang pandemic kaya o ang mismong opisina ni Mang Boy Guevarra?
Sa ating pagkakaalam mayroon lang siyam na buwan bago mag-expire ang nasabing proseso dahil pagkatapos ay kinakailangang ibalik ito for publication dahil hindi natapos sa itinakdang panahon ng Civil Service Commission (CSC).
Sayang naman ang oras na iginugol ng BI Personnel Selection Board kung hindi mapipirmahan sa DOJ.
E paano naman ‘yung mga aplikanteng umasa na sila ay makapapasok sa Bureau?
‘Ligwak ganern’ lang ba ‘yun?!
Sa ganang atin, dapat maging masipag sa pag-follow-up sa opisina ni SOJ Guevarra ang Personnel Section Chief ng BI na si Atty. Archimedes Cano.
Noong panahon ni dating Personnel Chief Grifton Medina ay masigasig siyang nagpapabalik-balik sa DOJ upang tutukan ang hiring and promotion sa BI.
Totoo kaya ang ating nasagap na mas ‘bet’ daw ng mga taga-Personnel Section si Sir Grifton Medina bilang hepe dahil mas madaling kausap kompara sa ibang mga naging Bossing sa naturang opisina?
Umaasa nga raw sila na kapag natapos na ang isyu hinggil sa mga suspendido sa BI-NAIA, dasal nila na makabalik bilang personnel chief Si Sir Grifton.
Ngayong namomroblema na ang Port Operations Division (POD) sa kakulangan ng mga IO sa airport, sa tingin natin ay kinakailangang nakahanda ang BI sakaling ma-lift ang travel ban para sa mga turistang banyaga.
Hindi naman karakang magte-training ang newly hired IOs dahil kailangan pa nilang mag-comply sa requirements ng BI at CSC para sa kanilang plantilla.
Sana ay ma-address na ng DOJ at ng BI Personnel Chief ang mga bagay na gaya nito.
36 ILLEGAL ALIEN ONLINE
GAMING WORKERS
NASAKOTE NG BI-INTEL
UMABOT sa 36 illegal aliens ang nasakote ng Bureau of Immigration – Intelligence Division nang salakayin ang isang online gaming company sa Double Dragon Plaza Tower 3 sa Pasay City.
Ayon kay Commissioner Jaime Morente, matapos magsagawa ng palihim na imbestigasyon sa nasabing kompanya, napag-alaman na ang mga foreigner na nagtatrabaho sa nasabing establisimiyento ay pawang walang kaukulang working permits.
“We coordinated with PAGCOR and verified that this company is unlicensed and has no authority to operate,” ayon kay Morente.
Bukod sa walang working permit, wala rin lisensiya sa PAGCOR ang mga establisimiyento para magkaroon ng operasyon bilang negosyo.
Bago magsimulang magbukas ang isang online gaming ay ‘pre-requisite’ ang pagkuha ng lisensiya sa PAGCOR ng isang online gaming company bago makapag-operate.
Dagdag ni BI Intelligence Chief Fortunato Manahan, Jr., nadiskubre ng ahensiya, bukod sa online gaming ay mayroon pang live studio gaming na ino-operate ang nasabing kompanya. Karamihan ng mga nagpapatakbo sa nasabing kompanya ay mga Koreano.
Kasama sa nahuli ang dalawang Chinese nationals at dalawang Indonesians at ang natitirang 32 foreigners ay pawang Koreano.
Pansamantalang naka-detain sa Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig ang mga dayuhan habang hinihintay ang resulta ng kanilang RT PCR test.
Muling nagbabala ni Commissioner Morente sa lahat ng mga foreigner sa bansa na huwag gamitin ang pandemya para isulong ang kanilang mga ilegal na gawain.
Patuloy ang gagawing pagtugaygay ng ahensiya at kung kinakailangan ay magpapatupad ng arrest & deportation order sa sinomang banyagang lalabag sa batas!
Good job, BI Intelligence Division!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap