PINANGUNAHAN ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang groundbreaking ceremony ng itatayong 336 bed-capacity CoVid-19 field hospital sa Luneta Park nitong Martes.
Kasama ni Mayos Isko si Vice Mayor Ma. Shielah ‘Honey’ Lacuna-Pangan at iba pang opisyal ng gobyerno tulad nina National Task Force (NTF) Against CoVid-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez, Jr., NTF Against CoVid-19 deputy chief implementer Secretary Vivencio Dizon, Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ayon sa alkalde, ilalaan ang naturang mobile hospital para sa mild and moderate CoVid-19 cases.
Dumating din sa seremonya sina Department of Public Works and Highway (DPWH) USec. Enil Sadain, Department of Health (DOH) Asec. Romeo Ong, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia.
Ayon kay Isko, ang P154-milyon field hospital ay inaasahang matatapos sa loob ng dalawang buwan.
Maglalagay ng 150 medical frontliners sa mobile hospital na magmo-monitor sa CoVid-19 patients.
Magkakaroon ng inter-communication ang modular container sa pagitan ng pasyente at medical frontliners, internet connection, ang air-conditioned rooms.
Hiwalay ang pasyenteng babae sa mga lalaki at ang mga oxygen tank casing ay naka-standby sa bawat modular container.