MANILA — Magandang balita ito para sa mga kababayan nating naghahanap ng trabaho.
Batay sa anunsiyo ng Department of Interior and Local Government (DILG), ibinaba na ang kalipikasyon para sa mga nagnanais na mag-apply bilang contract tracer.
Ito ay bilang hakbang ng pamahalaan na mapalawig at mapaigting ang insiyatibo ng sistema ng contact tracing sa bansa na mahalagang bahagi ng paglaban sa nagpapatuloy na pandemya sanhi ng CoVid-19.
Ayon sa DILG, tatanggapin sa nasabing posisyon ang mga nakapagtapos lamang ng high school bukod sa naunang inilabas na kalipikasyon na kinakailangang nakatuntong ng kolehiyo ang aplikante para tanggapin bilang contact tracer.
Sinabi ng kagawaran bilang paglilinaw, isa sa malaking dahilan ang kakulangan sa contact tracers kung bakit mahirap at mabagal ang proseso nang pagtunton sa mga posibleng nakahalubilo ng mga nagpositibo sa CoVid-19.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 14,754 aktibong contact tracer sa National Capital Region at nais ng pamahalaan na madagdagan ang nasabing bilang upang mapaigting ang proseso ng contact tracing.
Kinakailangan umano ng DILG ang dagdag na mga tauhan sa contact tracing, partikular sa lungsod ng Quezon at Maynila na may pinakamataas na paglobo ng bilang ng mga bagong kaso ng mga impeksiyon at transmisyon, lalo ngayong nahaharap ang bansa sa mga bagong variant ng virus na mas nakahahawa at mas mabilis kumalat.
Samantala, hinihikayat ng DILG ang publiko na gamitin ang StaySafe app upang mapadali ang pagbibigay ng impormasyon na kinakailangan sa mabilis na contact tracing at tulong na rin para mapaganda ang proseso para matunton ang mga taong nakahalubilo ng mga nagpositibo sa CoVid-19.
Para sa iba pang impormasyon at mga nais mag-apply maaaring magpunta sa bit.ly/PESO-CT-Apply upang magsumite ng aplikasyon.
(Tracy Cabrera)